Hindi ang nasa isip ko ang pinangarap kong maging dahilan ng aking pagkamatay. Isang gabi.Isang madilim na gabi. Binalot ang aking pagkatao ng milyon-milyong kaba at takot. Ayoko sanang pumunta sa gusgusing lugar na ‘yon. Ayoko sana. Subalit nanaig ang tinatawag nilang ‘Pakikisama’ sa mga ka-tribong nagmula pa sa malayong lugar kung saan binuo ang aking isinumpang pagkatao.
May overpass. Tumawid ako sa overpass. Maraming bahay. Naglakad ako at hinanap ang lugar na sinasabi sa text. At nakita ko rin. Pumasok ako. Madilim. Sa tulong ng kakarampot na liwanag ng hatid ng videoke machine, nakita ko ang tatlo. Nagkuwentuhan. Muk’ang kanina pa nila inupakan ang Red Horse at mani sa mesa. Marami ang tao doon. Sa dilim, hindi ko alam kung sino ang lasing at sino pa ang matino.
Maraming taon ding hindi nagkita. Ano lang ba ang isang gabi? Delikado rin pala ang isang gabi. Ang ibang umiinom sa loob ay nasa kalsada na, lasing, at nakikipaghabulan sa kung sinong kalaban. Ang mga lasing ay nakakuha ng mga kakampi na humahabol din sa kalaban na malakas ang paniniwala kong lasing din. At ang kalaban, magpapatalo ba naman? Ang kalaban ay nakakuha rin ng maraming kakampi. Maingay ang paligid. Sumisigaw ang mga babae. Nanonood ang ilan. Rambulan na sa labas.
Samantalang kami ay patuloy pa rin sa pag-ubos ng nakahaing beer. Walang pakialam sa mga kanaganapan sa labas. Pero kinakabahan ako na baka biglang pumasok ang mga ‘yon at madamay pa kami. Na hindi naman nangyari.
At dumating ang mga pulis. Gaya ng inaasahan, wala na ang rambulan.
No comments:
Post a Comment