Grand finals ng isang dance contest. Aba, maraming nanonood. Maingay ang paligid. Tugtog. Hiyaw. Sigaw. Palakpak. Kaya napagpasyahang manood na lang muna habang hinihintay ang pagtila ng ulan sa labas. Hindi ako sumigaw. Hindi ako humiyaw. Hindi ako pumalakpak. Dahil ayokong mang-asar! Tahimik lang akong nanonood kahit gusto ko ang dance moves ng ilan sa mga kalahok. Nakakainggit ang galing ng iba. Pero naisip ko agad ang sabi ng isang kaibigan, ‘Wag mainggit sa iba dahil hindi mo alam ang paghihirap nila’. Tama nga naman. Hindi biro ang magpraktis ng sayaw, kabisaduhin ang steps, dapat in timing sa tugtog, dapat sabay-sabay , at maraming dapat ganito at dapat ganoon.
Grupo ng mga estudyante sa hayskul ang mga kalahok, ang iba ay nagmula pa sa malalayong probinsya, dinayo ang Maynila para lang maipakita sa madlang pipol ang angking talento sa larangan ng pagsasayaw. Hindi ko kabisado ang tawag o mga uri ng sayaw ng makabagong panahon, basta kombinasyon ng iba-ibang kanta ng iba’t ibang artist ay pinaghalo sa iisang tugtog. Ang dance steps naman ay masasabi kong astig, pang-rock at may halong pagyayabang ang bawat galaw na kadalasan ay sinasamahan pa ng tambling ng mga kalahok na lalaki.
Sumpa man, hindi ko talaga hilig ang pagsasayaw sa di malamang dahilan. Kailangan ng masusing pananaliksik para malaman ang di-maipaliwanag na dahilan ng problemang ito. Sabi nga nila, sadyang ipinanganak akong parehong kaliwa ang paa na sigurado akong hindi nakakaapekto sa ekonomiya ng ating bansa at lalong walang koneksyon sa paglaganap ng sakit ng dengue sa Pilipinas. Gayunpaman, naranasan ko pa ring sumayaw sa entablado kahit papano.
Kinder. Pinalo ako ni Mama nang makauwi sa bahay dahil huminto ako sa pagsayaw sa entablado nang marinig na nagsipagtawanan ang mga manonood sa isang school program. Di ko makalimutan ang linya ni Mama: “Hindi ikaw ang pinagtatawan dun, kayong lahat. Hindi mo na ako binigyan ng kahihiyan”. Umakyat din kasi siya sa stage at kinuha ako tapos kinurot pa sa bewang .
Grade 1. Hindi pinasasayaw ang Grade 1 kapag may school activity.
Grade 2. Hindi rin pinapasayaw ang Grade 2. Tagapalakpak lang daw tuwing may presentation sa school.
Grade 3. Nagpapraktis kami nang sinabihan ako ng titser na igalaw ang aking mga tuhod tuwing sumasayaw ng ‘Macarena’ (ito yong sikat Noon na laos na ngayon) at huwag lang daw kamay ang igagalaw ko. Okay, eh di iginalaw ang tuhod.
Grade 4. Sumayaw ng Folk Dance sa District Meet. Laging napapagalitan tuwing praktis dahil nahuhuli sa pagkuha ng steps at lagi kong nakakalimutan ang pagkasunud-sunod ng mga dance steps. Napingot pa ako sa tenga ng masungit na teacher-trainer na ‘yun. Dapat daw galingan ko dahil ilalaban kami sa ibang distrito. Ang ending, Third Place. Take note, apat na grupo lang ang naglalaban. Haha.
Grade 5. Sumayaw ng ‘I Want It That Way’ para sa Christmas presentation pero first half lang ang isinayaw ko at umexit na dahil hindi ko makuha-kuha ang mga sumunod pa.
Grade 6. Tagapalakpak na lang ng dance presentation ng iba. Busy na din ako sa pangangampaya sa pagtakbo bilang president ng student body, kalaban ko ang pinsan ko na anak ng aming barangay captain at natalo ako. Pakunswelo: Hindi man ako nanalo sa eleksyon at hindi man ako magaling sumayaw, nasa akin pa rin ang huling halakhak dahil Valedictorian ako. Konklusyon: Hindi lahat ng Class Valedictorian magaling sumayaw. Ang iba, magaling sumipsip. Haha.
First year HighSchool. Di ko na pinangarap sumayaw pa.
Second Year HighSchool. Mababa ang grade sa Revitalized Homeroom Guidance Program o RHGP (ewan ko at may ganitong subject noon) dahil hindi sumayaw sa presentation ng mga 2nd year. Malay ko bang kasama pala sa grading system ng subject na ‘yon ang pagsasayaw.
Third Year High School. Nagpraktis sayawin ang ‘Bye Bye Bye’ ng Westlife kada Sabado para sa school presentation. Hindi ako sumayaw sa actual presentation dahil ang hirap ng steps at mabilis pa ang tugtog. Magmukha lang akong katawa-tawa. At mayabang ‘yung kaklase ko na nagtuturo por quet magaling siya sumayaw.
Fourth Year HighSchool. Ang sakit ng bukol ko sa ulo .Nahulog ako sa pagpraktis ng human pyramid na nakatayo (3 layers lang naman) at AKO ang nasa pinakatuktok na may dalang pekeng torch . Marami namang sumigaw, tumili at namangha dahil parang agaw-buhay ang ginawa ko nang dumating ang araw ng presentation.At mabuti na lang hindi ako nahulog at baka isa na namang bukol aabutin ko plus kahihiyan. Masisira ang aking reputasyon (if any) bilang kagalang-galang na officer ng CAT (na mukhang di naman ginagalang).
First Year College. Dahil ako ang binotong lider ng grupo sa PE 1(dahil muk’a daw akong matalino at mabait) , umembento ng mga steps (dahil walang ibang choice) para sa final exam (na hindi pwedeng bumagsak) about Rhytmic Exercises (na parang ewan lang) . Mabuti naman at kami ang highest sa lahat ng PE performers (na hindi pa ako makapaniwala) na ipinagkalat ng masungit at baklang titser (kilay speaks for him/herself) . Sa PE 2 naman, sapilitang sumayaw ng Boogie(kundi gagawin ay malamang bagsak ako) na ikinasalubong naman ng dalawang kilay ng baklang titser dahil nagkalat lang kami sa stage.
Second Year College. Umabsent ako sa Accounting 3 (Take note may quiz pala, 100 items) dahil gumawa ng props para sa sayaw namin sa PE 3 at pinagalitan pa ako ng PE Teacher dahil halatang madalian at panget ang pagkagawa . Kung loloko-loko lang talaga ako, matagal ko ng sinapak ang pahirap na PE titser na ‘yun. Pero nanaig pa rin ang aking paniniwala sa inembentong kasabihan: “Bakla man si Sir, nirerespeto pa rin kasi titser”
Third year College. Sinigawan ako ng PE 4 teacher sa harap ng marami dahil nahuling mali ang step sa pagsayaw ng modern Sinulog. Nasa pinakaunahan ako kaya konting maling galaw lang ay kitang-kita talaga. Sumayaw din ng ‘I’m Officially Missing You’ nung may event ang mga Iskolar ng Bayan at nagkalat lang kami sa stage dahil parang first practice lang ‘yun.
Fourth Year College. Dahil graduating na at iiwan na ang college life (mixed feelings: nakakalungkot na nakakatuwa), nagpakabibo noong College Day kaya sumayaw ng ‘Pinoy Ako’ by Orange and Lemons, noon unang sumikat ang Pinoy Big Brother. This time, kinarer ko na ang pagsayaw (dahil may pinapangalagaan akong reputasyon na parang wala naman). Tapos sinabi kong, ‘That’s a very nice presentation’ sa mikropono after the rendition dahil ako rin ang event host na kinarer ko din naman. Tapos humirit naman si pakner “Dahil andun ka”. Tawanan.
At dito nagtatapos ang usapang sayawan noong nag-aaral pa ang inyong lingkod. At take note pala, hindi ako nakatuntong man lang sa mga bars/club/disco houses noong ako ay nag-aaral pa. Dahil walang ganun sa tribo namin. May disco din naman sa barangay, pinipilit akong pinapunta nina Mama noong college pa ako, pero sabi ko mag-aaral na lang ako sa bahay .Favorite ko talaga ang mag-aral, pramis! (Naku daming babatok sa akin nito). Maniniwala ka ba kung sasabihin kong sinungaling ako?
At siya nga pala.
Noong nagtuturo pa ako (di ko pala nasasabing iginawad sa akin ang ‘Ulirang Guro ng Makabagong Henerasyon’) , surpresa kuno namin sa mga estudyante ang pagsayaw ng ‘Superstars’. Nagkalat lang din kami sa stage. May nadulas at may tumawa sa nadulas,ang nadulas ay muling nadulas, may todo-bigay sa pagsayaw na parang wala ng bukas, may hindi memorize ang steps na tulad sa exam ay nangongopya na lang sa katabi at ang pinaka-da-best eh ‘yung sinisigaw ng mga estudyante ang last name mo at pumapalakpak,hindi dahil galing na galing sila sa performance mo (kung may performance nga bang matatawag ) kundi nang-aasar lang! Uulitin ko, isa MALAKING pang-asar lang!
Ito ang video ng pinakakontrobersyal na ‘Superstar’ noong taong 2006. Bata pa ako n’yan. I was so innocent then, pure and young, isang sariwang bente,wala pang masyadong alam sa mundo at sa kamunduhan (pero mukhang wala naman ako sa video). Haha. Kapag naalala ko, natatawa na lang ako. At ang mga kasama kong teacher ay sa Facebook ko na lang nakikita ngayon. At wagas pa ang tema: Wastong Pundasyon Gabay Sa Matatag At Magandang Bukas. Bow!
No comments:
Post a Comment