Sunday, April 21, 2013

TIRADOR: Isang Kwento Tambay 2


Nagtext si Ryan kay Jomar. Hindi ko na naitanong kung tungkol saan. Basta bigla na lang napasugod sina Jomar at Ace sa bahay ni Ryan. Ako man ay walang ideya sa nangyayari pero napasunod na rin ako sa nagmamadaling dalawa.

Dumikit lang pala ang pinaplantsang damit ng nanay ni Ryan dun sa plantsa. Mukhang nagkaroon ng overheating. At dun ko din nalaman na marunong pala si Ace magkumpuni ng mga sirang electric devices. Kinakalikot ni Ace ang plantsa para ayusin. Marami pa daw kasing unipormeng paplantsahin ang nanay ni Ryan.


Ipinakilala ako ni Ryan sa nanay niya. Si Jomar at Ace ay laging nagpupunta sa bahay nina Ryan kaya kilala na silang mga katrpopa ng anak. Kababayan ko rin pala ang pamilya nila.  Medyo nahihiya pa ako habang nakatambay sa loob ng bahay nina Ryan, pinapanood ko lang ang ginagawa ni Ace na pag-aayos ng plantsa. Bukas ang portable DVD pero wala roon ang aking atensyon. Nakikiramdam lang ako. Besing- besi naman sina Ryan at Jomar sa pagluluto ng kanin, noodles at itlog. Maaring nakaistorbo lang din ako sa nakakabatang kapatid ni Ryan na nag-aaral sa table. Kumukuha daw ito ng Psychology sa kolehiyo. Pumasok tuloy ito sa kwarto marahil ay inaantok na dahil madaling araw na rin yun. Naalala ko tuloy ang buhay ko noong nasa kolehiyo ako na naghihirap at nagpupuyat mag-aral para lang mapanatili ang scholarship.

Handa na ang kanin, noodles at pritong itlog na niluto nina Ryan at Jomar.  Tapos na ring ayusin ni Ace ang plantsa. Pero biglang umalis si Jomar. Makikipagkita daw sa girlfriend. Okay. Hindi na namin siya nahintay kaya kumain na lang kami ng kanin, noodles at pritong itlog. Maanghang ang noodles kasi nilagyan nila ng dalawang pirasong pulang sili kaya inom ako nang inom ng tubig. Napuna ako ni Ryan kaya dapat pala daw inihiwalay ‘yung sa akin na hindi maanghang. Okay lang kahit maanghang ang noodles at nabusog naman ako.

Natapos na kaming kumain pero hindi pa rin dumarating si Jomar. Hindi naming alam ang nangyayari sa kanila ng girlfriend niya. Mukhang hindi sila okay pero hindi ko na inalam pa ang kwento.  Tinirahan na lang naming ng kanin, noodles at pritong itlog sakaling naisipan ni Jomar na hindi magbigti at bumalik pa.

No comments: