Mas mahirap ba talaga ang CPA Board exam kaysa Nursing exam?Architecture? Engineering? LET? Medicine? Well, wala akong karapatang ikumpara ang board exam nating mga Accountancy sa board exam ng ibang mga kurso. Dahil bukod sa maaaring makasakit ito ng damdamin ng may sensitibong damdamin, iba-iba din naman kasi ang pinag-aaralan o subject matter. Pero naniniwala ako na pare-pareho lang silang mahihirap. Magkakaiba lang siguro sa tinatawag nilang ‘level of difficulty’.
So bakit ka nga ba bumagsak? Ano ang sagot mo sa nakakasakit kong tanong? Maraming dahilan? Mahabang kwento? Ayaw mo ng pag-uusapan pa? Dahil naaalala mo lang ‘yung mga naaksayang panahong hindi mo na maibabalik pa? Alam nating lahat na maraming factors ang nakakaapekto sa naturang pagbagsak. Maaring hindi mo naranasan ang mga susunod kong babanggitin pero naranasan ng kapatid, kapamilya, kapuso, kaklase, kaibigan, kakilala o textmate mo. Walang pormal na pag-aaral o survey ang naganap dahil nagmula lang naman ito sa magkahalong reliable at unreliable sources, sariling pananaw at karanasan ng may-akda, kwentong inimbento ng echoserong palaka at kwentuhan na narinig sa umpukan d’yan sa may kanto malapit sa bahay o eskwelahan ninyo. Kalat na kalat na kasi ang balitang bumagsak ka daw sa CPA Board exam. Kaya paalala, ‘wag ka munang lumabas ng bahay pansamantala. Biro lang.
So bakit ka nga ba bumagsak? Alam mo naman siguro sa sarili mo kung bakit, hindi ba? At kung maaari, huwag mong isisi sa ‘yong college professors, sa ‘yong alma mater, sa mga reviewers, sa review center o sa ibang tao ang lahat dahil wala silang kinalaman sa iyong pagbagsak. IKAW ang dahilan ng lahat. Tapos sasabihin mo pang: “Kasi hindi strong ang foundation ko ng Accounting sa school namin”. Kaya ka nga nag-review to make it strong and stronger, hindi po ba?
Nasa unang taon ka pa lang ng iyong kurso, hindi maitatangging alam mong may exam ito para makakuha ng lisensya bilang isang CPA. Dahil may exam nga, alam mo na rin ang posibilidad na ikaw ay maaaring bumagsak pagdating ng araw. Kumbaga pwede mo na itong paghandaan sa umpisa pa lang. Naisip mo rin siguro na napakalayo pa ng board exam at masyado pang maaga para magseryoso sa mga accounting subjects. Oo tama ka pero sige ikaw din. After all, it’s your life naman.
Bilang isang fulltime reviewee, nasa iyo ang lahat ng oras sa mundo para mag-aral. Pero dahil ba sa marami ka pang oras ay hindi mo muna uunahin o seseryosuhin ang review? Sabagay, malayo pa naman ang mismong araw ng exam, hindi ba? Mind you, mabilis lang ang anim na buwan. At hindi mo namalayan, pre-week na pala, feeling mo hindi ka pa ready, kakaumpisa pa lang kasi aralin ang mga review materials. Maraming backlogs at naghahabol ka. Anong petsa na? Tapos nag-eexpect ka na papasa? Hoy gising ‘pag may time! Kulang na kulang ang stock knowledge mo, kung meron man!
Ano ba kasi ang ginawa mo noong mga nakaraang buwan? Eh fulltime reviewee ka naman. Post, share, like at chat sa facebook? Tweet nang tweet sa twitter? Dota? Gimik to unwind? Pasyal sa mall o EK? Nood tv, dvd, sine? Inuman? Well, hindi naman masama ang mga nabanggit kung pa-minsan minsan lang. Eh mukhang paminsan-minsan ka lang yatang nag-aaral. At sa minsang sinipag ka mag-aral ay hindi mo pa naintindihan o sadyang wala ka lang tiyagang intindihin ang mga mahihirap intindihin? Lagi kang tinatamad kung review na ang pinag-uusapan. Minsan itinulog mo na lang ang lahat. At paggising mo, ano? May natapos ka ba kahit isang page man lang? Sabagay minsan mo na ring sinabi sa sarili mo na kung hindi ka papalarin ay okay lang dahil hindi mo naman talaga gusto ang kurso mo. Ganun at napilitan ka lang? Upakan kaya kita d’yan. Umabot ka na sa puntong ‘yan tapos sasabihin mong napilitan ka lang? Patawa ka naman.
Bilang working reviewee naman, sa umpisa pa lang ay gahul ka na sa oras, hindi naging madali para sa’yo ang lahat, given na ‘yan. Nainggit ka sa oras na meron ang isang full-time reviewee. Sumabak ka sa labang alam mong medyo tagilid ka. Naiintinihan naman siguro ng lahat kung bakit ka bumagsak. Pero hindi mo pwedeng idahilan na kasi working reviewee ka. Dahil marami ding working reviewee na gaya mo ang pumasa. Paano ba naman kasi lagi kang late o absent sa mga review classes, hindi mo nasasagutan ang mga hand-outs, hindi ka nakakapag-practice mag-solve, stressed at pagod ka sa trabaho. Nahahati ang oras mo sa trabaho, review at pamilya. Idagdag pa ang mga extra-curricular activities mo na pwede namang ipagpaliban pansamantala. In short,kulang ka lang talaga sa diskarte. Wala kang effective time management. Tapos ine-expect mo rin na papasa ka? Minsan mga problemang teknikal lang naman ang dahilan o tamang sabihing, hindi naman talaga problema kasi nagagawan naman ng paraan kung tutuusin. Hindi naman big deal talaga kasi na-anticipate na maaring mangyari. Sa katunayan,pa-ulit ulit ulit at maraming ulit na ipinaalala sa’yo ang mga dapat at hindi dapat gawin sa mismong araw ng exam. Isang malaking BAKIT at maraming BAKIT kung bakit nagkaganun.
Late gumising sa mismong araw ng board exam.Patay tayo d’yan! Dahil ba nakalimutan mong magpa-alarm? O hindi ka ginising ng nanay, tatay, ate o kuya mo? O late ka na nakatulog kagabi dahil sa kakaisip na iihawin ka na bukas? O akala mo gising ka na pero tulog ka pa pala? Naabutan ka ng traffic sa daan dahil malayo ang bahay o boarding house mo sa place of examination. Hindi mo ba pinuntahan ang school at hanapin ang assigned room mo bago dumating ang mismong araw ng exam? ‘Di ba pinaalala din sa’yo ‘yun? Haggard ka na, nalanghap mo pa lahat ng usok at alikabok sa daan at pagdating mo ay nagsisimula na ang unang subject para sa araw na ‘yon. Hindi ka na papasukin sa examination room kahit grumadwet ka pa ng Summa Cum Laude sa school mo o kaya top 1 ka sa final pre-board exams ng review center mo o kahit maglulupasay ka pa sa kakaiyak. Idagdag pa ang pagkaiwan ng Notice of Admission mo (NOA). Ano ang inaasahan mong reward sa katangahan mo? Naku po!
Kung bakit sa paanong paraang natapunan ng dala mong mineral water ang ‘yong answer sheet. Kinabahan ka ba sa hirap ng exam at biglang nauhaw? Likas na duling ka ba o bigla ka lang naduling nang hindi mo namalayan? Bakit ang sagot sa number 1 question ay nai-shade mo sa number 2 ng answer sheet at ang sagot mo sa number 2 question ay naka-shade sa number 3 ng answer sheet and soon? Sure na sure ka pa naman sa sagot mo dahil master na master mo ang topic na ‘yun. Dahil sure na sure ka nga, excited na excited ka sa pag-shade. Saka mo lang namalayan ng nasa number 49 ka na tapos ‘5 minutes more to go’ na lang. Lagot! Ano ine-expect mo? Pero teka, matanong ko lang, ano ba ang technique mo ng pagsasagot? Ikaw ba ‘yung basa o analyze sa bawat tanong tapos kapag may sagot ka na ay magsi-shade ka agad o ikaw ‘yung tipo na sasagutan mo muna lahat ng tanong tapos saka ka na mag-shade 15 or 20 minutes before end of time. Ano ba kasi diskarte mo bakit nga nagka-ganun?
Sumakit ang tiyan mo habang nagsasagot ka. Bakit? Ipinaghanda ka siguro sa bahay n’yo ng maraming pagkain, parang fiesta lang. Kumain ka nang kumain, nagpakabusog ka ng todo dahil alam mong bibitayin ka na sa hirap ng exam. Ano ang nangyari? Nagpasama ka sa room watcher sa CR para magbawas ng sama ng loob. Ano pabalik-balik ka sa restroom? Hindi ba pinaaalahanan ka na ‘wag kumain ng mga pagkaing hindi ka sanay na kainin? Nawala ka tuloy sa konsentrasyon. ‘Yung iba naman na-Mental block, may nahilo, sumakit ang ngipin, sumakit ang ulo (sa taas at baba), sumakit ang bangs at kung anu-ano pang kaartehan este sakit o hindi magandang pakiramdam ang dumapo habang nagsasagot. Kasi naman kasi.
Binigay mo naman ang isandaan at isang porsyento mong lakas o higit pa nga sa pagrerebyu. Hindi pa rin ‘yun sapat kung hindi ka nagdadasal na sana ay pumasa ka sa board exam. Syempre kailangan mo rin ng specific date sa ‘yung dasal kung kailan ka papasa,say October 2014. Ganun! O kaya tipong may specific grade ka na binanggit sa’yong dasal. Kahit 91 sa MS, 90 sa AT, 91 ulit sa TA, 90 ulit sa BLT, 95 sa AP, P1 at P2. Ganun! Maaring nagdasal ka nga sa Kanya pero kulang ka naman sa effort sa pag-aaral, kumbaga petiks petiks ka lang at hindi ka naman talaga determinado maging CPA, eh wala din.
Naniniwala ka ba sa sabi-sabi ng iba na swertehan lang daw ang pagpasa sa board exam? At ‘yung mga bumagsak, minalas? Meron nga din d’yan top performer sa review school, graduated with flying colors, pinakamahirap na problem ay kayang-kayang i-solve, sobrang galing sa analysis pero bumagsak sa actual board exam. At meron ding akala mo ay parang walang alam sa accounting, bumabagsak sa preboard exams, nagbubulakbok sa review class, minsan lang nag-aaral pero hindi ka makapaniwalang pumasa naman. Siguro may mga ganung factors din. Iba-iba kasi. Depende ‘yan sa taas. Hindi mo masasabi ang kapalaran ng tao. Mahirap din humusga ng tao base sa nakikita o naririnig. Minsan may mga pangyayaring ang hirap ipaliwanag kung bakit nangyayari. Minsan may himala.
Basta para sa akin, ikaw mismo sa sarili mo ang nakakaalam kung bakit ka bumagsak.
Kung ikaw ay may karanasan sa CPA board exam (pasado o bagsak) ay maari po ninyong ipadala sa akin at siguraduhin din pong pumapayag kayo na ipo-post ko sa blog na ito para kapulutan ng aral o magsilbing inspirasyon ng ating mga kaibigang estudyante, future CPAs at ng publiko. Kung trip mo, maaari pong magpadala sa aking email: ejaycpa@gmail.com. Maraming Salamat po.
God Bless October 2013 CPA Board examinees!!!
1 comment:
Grabe totoo po itong mga pinagsasabi nyo rito. Ako po ay nagrereview pa lamang pero nakakabigla na maaring ito kasapitan ko pag di pa ako nagpakatino as a full time reviewee. More power po.
Post a Comment