Thursday, April 12, 2012

Masamang Panaginip

Bumibili ako ng mga damit sa isang mall.  Magbabayad na ako. Kinakapa ko pa ang wallet sa bulsa ng pantalon ko.

Nang biglang tumambad ang isang nakakatakot na halimaw na kulay berde sa aking harapan. Mismo sa aking harapan. Akmang sisigaw ako subalit walang boses na lumalabas. Ang mga cashiers ay nagsipagtago na agad.

Takot na takot. Nanginginig. At parang hindi makapaniwala sa nakita. Nawalan ako ng malay saglit . Nakahandusay. Masakit ang ulo ko dahil sa pagkakatama sa sahig.

Ang bilis ng mga pangyayari. Ang lalaking nasa likod ko na magbabayad din ay wasak na wasak ang mukha. Hindi na halos makikilala. Duguan ang buong katawan. Nakakaawa ang hitsura. Pinapaligiran siya ng mga nakiki-tsismis. Hindi ko alam kong siya lang ang biktima. At wala na rin ang halimaw. Isang palaisipan para sa akin kung saan nanggaling 'yon at kung may nag-aalaga ba doon na tao. Nakakatakot talaga.

Nasulyapan ko ang wallet. Katabi n'ya. May bahid ng dugo. Snatcher pala ang nasa likod ko. Pati pala malls ay pinamamahayan na ng mga snatchers. Kaya pala isang maliit na suklay lang ang hawak n'ya kaninang babayaran.

Kinuha ko ang wallet. Hindi na pinunasan. At nagmamadaling tumakbo palabas ng mall. May humabol sa akin. 'Di ko na nilingon. Sumakay ng taxi at umuwi.

Mabilis kumalat ang balita. Sa mga kaibigan. kakilala. pamilya.

Patay na daw ako.

Sa Facebook wall ko...

RIP

***
Nagising ako dahil sa ingay ng paligid. Binuksan ko ang pinto. D'yos ko!

May sunog!

Nataranta ako. Hindi alam ang gagawin. Hindi na ako makalabas ng pinto. Dahil nasakop na ng apoy ang buong hallway. Walang silbi ang fire exit na nasa hallway. Nagdasal ako ng mabilisang Ama Namin. Mabilis ang mga kilos ko. Naglatag ng kumot. Kumuha ng konting damit. Nilagay sa kumot. Kinuha ang laptop. Wala ang aking kapatid. Kumuha ako ng konting damit niya. Kinuha ko rin ang laptop niya. Nilagay din sa kumot.  Di ko alam kung paano ko tinali ang kumot.

Samantalang natupok na ng apoy ang aming pintuan. Ilang minuto siguro ay maaring buong unit na. May bintana kami sa likod. Tinanggal ko lahat ng jealousie. Nabasag ang iba. Pero wala na akong pakialam sa mga oras na 'yon. Hinulog ko ang kumot. Nasa ika-limang palapag ang unit. Bumaba ako sa bintana. Mabilisan. Kapit-kapit na lang sa mga window grills.

Ikatlong palapag.

Nakabitiw.

Nahulog.

No comments: