Sadyang mahirap talaga kapag wala kang sariling bahay. Wala kang ibang choice kundi ang mangupahan muna. Habang wala pa 'yung bahay na nasa pangarap mo. Habang hinihintay mo pang matupad ang pangarap mo. Mahirap din mangupahan, minsan may mga rules and regulations ang may-ari na ayaw mo. Minsan may mga roommates/kasambahay kang hindi mo gusto. Pero dapat makibagay dahil nangungupahan ka lang.
Nang mapadpad ako ng Maynila, una akong tumira sa bahay ng registrar ng school na pagtatrabahuan ko sa Tondo. Malaki at maluwang ang room. Walang kama. Sa sahig kami humihiga. Tatlo kami sa room. Puro babae kasama ko. 'Yung co-teacher ko at 'yung teacher ng ibang school. At tuwing natutulog kami, nasa pinakagilid ako at laging may harang na unan na nilalagay ng teacher ng ibang school. Muk'a daw kasi akong rapist at natatakot siyang gahasin ko siya. Wish niya lang.Pero n'ung dumating ang isa pang co-teacher na lalaki, sa sala na kami naglalatag ng banig. Mahirap na daw, baka ano pa ang mangyari. Dalawang libo buwan-buwan naman ang bayad namin sa registrar ng school kasama na ang bahay at pagkain dun. Hindi rin kami nagtagal,isang buwan lang kami mahigit at lumipat na rin sa iba.
Sa pangalawang tinirhan ko. Ito ay isang two-story old house, para ngang haunted house kung titingnan sa labas. Sa Tondo pa rin ito. Sa unang palapag, bodega ng mga bigas at kung anu-ano pang produkto na pag-aari ng Veritas. May bantay, si Ate Tess na nagpapautang din sa amin ng bigas at kahit anong produkto nila. Ang ikalawang palapag naman, mayroong tatlong rooms. Kasama ko sa isang room ang co-teacher na lalaki. Sa pangalawang room, ang co-teacher na babae. Sa pangatlong room naman ay pinaupahan sa isang estudyante ng school. Medyo malaki ang bahay at sulit na rin ang isang libo isang buwang upa, hindi pa kasama ang bayad sa tubig at kuryente. Mag-iingat nga lang sa aso ng kapitbahay na malakas kumahol at nakakatakot sa laki na laging nakatambay sa labas ng gate.
Dahil na-evict kami sa pangalawang tinirhan namin, gagamitin na daw ang buong bahay para sa hindi ko alam na dahilan.
Lumipat na rin kami sa maliit na room na inuupahan ng isa pa naming co-teacher. Ang co-teacher na lalaki ay nag-voluntary exit (hindi nakayanan ang powers ng mga estudyante niya) na kaya dalawa na lang kaming lumipat ng co-teacher na babae. Tatlo kami sa room. Medyo masikip. Medyo mainit. Sakto lang 'yun sa 583 pesos na upa. Murang-mura na. Two-storey house din ito. May dalawang room sa taas kung saan amin 'yung isa. Sa ibaba naman, isang buong pamilya na medyo madami-dami din. May mga bata. Maiingay. Makukulit. Sarap paluin sa pwet.
Dahil sa tindi ng pangangailangan ng salapi, nag-resayn ako bilang huwarang titser at pinasok ang mundo ng lintik na kol sintir na 'yan. Nagpaalam ako sa co- teacher na umuupa sa room na lilipat muna sa Makati. Para at least malapit sa trabaho. Nilalakad lang papuntang opis actually. Lumang building. Isang room. May dalawang kama. 'Yun lang, unahan sa kama kung matutulog na. Tabi-tabi na parang sardinas. Anim kasi kami sa room. Pitong-libo ang upa sa room na 'yun. Hati-hati kaming anim. Naninigarilyo pa halos mga kasama ko. Puro kol sintri agents. Hindi ko nakayanan ang ganung setup. Hindi ako nagtagal. Hindi nga ako umabot ng isang buwan. Bumalik ako sa Tondo. Sa room ng co-teacher ko. At dun ako nagtagal ng mga isang taon.
Bigla ko na lang naisipan mag-rebyu for cpa board exam, lumipat na naman ako sa Sampaloc, sa may Lepanto. Para malapit sa review center. Bago lang ang boarding house. At ako ang kauna-unahang boarder nila. P 1,700 ang renta, kinagat ko na. Three-storey old house ito. Dalawang maliliit na rooms sa first floor, dalawang rooms naman sa second at third floor. Pinili ko ang nasa third floor. Wala lang. Feel ko lang. Hindi nagtagal nagkaroon ako ng iba pang kasama. Mga reviewees din. Sina Toffer, Dino at Aaron, Nursing students. Sina Patrick at Mark, X-ray somethin.Okay naman ang samahan. Naging ka-close ko rin sila. Sa kabilang room ng third floor, sila ang maiingay. Anim sila. Magkaklase. Galing Dipolog. At reviewees for CPA board gaya ko. At naging ka-close ko rin. Kaya walang problema sa pakikisama. Nakakatuwa nga, sa ikli ng panahon na nakasama ko sila, naging komportable agad ako. Umabot din ng dalawang taon ang pananatili ko sa boarding house bago ko tuluyang mag-decide na umalis dahil na rin sa bago kong work. At sa dalawang taon na 'yun, marami na rin akong housemates sa iba't ibang rooms na nakasalamuha na may iba-t ibang personalidad at pananaw sa buhay. Pinigilan ako ng may-ari. Binabaan niya ang upa para sa akin. Hindi ako nagpapigil. Kelangan ko talagang lumipat sa mas malapit sa bago kong work. Nag-resayn na rin kasi ako sa lintik na kol-sintir na 'yan.
Napadpad ako sa Taguig. Isang semi-condo daw 'to. Sabi nila pabahay para sa mga sundalo't pulis ang mga buildings dito.
Inupahan ko ang isang room ng isang unit ng building. Sa kabilang room, andun naman ang lalaking may-ari, dating OFW at pulis ang anak n'ya. Mabait naman siya. At parang kapamilya na rin ang turing sa akin. Kapag daw may problema ako na makakatulong ang anak n'yang pulis, 'wag lang daw akong mahiyang magsabi. Eh, di maganda. Tumagal lang ako ng isang taon. Dumating na kasi ang kapatid ko galing probinsiya at nakahanap na din ako ng isang buong unit dito.
Lumipat kami ng kapatid ko sa kaharap na building lang din. Kaya hindi masyadong hassle ang paglilipat ng gamit. Konti lang gamit namin, actually. Isang unit. Nasa fifth floor. 5k. Hindi nga lang fully-furnished. May dalawang rooms. Tig-iisa kami ng kapatid ko.Maganda na rin 'to, may privacy. Magagawa mo lahat ng gusto mo sa kwarto. Mahigit isang taon na rin kami dito and still counting.
Pero hindi ito ang buhay na gusto. Gusto ko magkaroon ng sariling bahay. Pangarap ko 'yun.
No comments:
Post a Comment