"Elton, kumuha ka nga ng talbos ng kamote sa likod. Uulamin natin mamayang gabi."
'Talbos ng kamote na naman,' sa isip ko.
Kapag talbos na ng kamote ang uulamin, tiyak wala ng budget si Mama. At malamang hindi naka-delihensya si Tatay. O kaya'y inubos lang sa pag-iinom ang sweldo.
Malawak ang taniman ng kamote sa likod ng bahay namin sa Bukidnon. Hindi ako natutuwa bawat pitas ko ng talbos nito. May parang gatas kasi ito na malagkit na dumidikit sa daliri. At may mga insekto pang dumadapo sa akin.
Meron din kaming tanim na kalabasa pero muk'ang wala pang bunga sa buwan na 'yon. Maliit pa rin ang mga sayote kaya hindi pa pwede pagtiyagaan. Ang gabi naman ay hindi pwedeng ulamin. Hitik sa bunga ang bayabas, hindi naman nauulam. Ang mga gulay naming pananim, minsan hinihingi ng mga kapitbahay. Okay lang 'yun dahil hindi naman madamot sina Mama at Tatay. Nakakagaan ng loob kapag alam mong nakapagbigay at nakatulong ka sa kapwa.
At nang matapos ako, ipinakita ko ang maliit na palanggana kay Mama na may lamang talbos.
"Bakit ang konti n'yan, dagdagan mo pa."
Bilang batang masunurin sa magulang, bumalik ako para dagdagan ang talbos ng kamote.
At okay na. Satisfied na siya sa dami. Hinugasan at niluto na.
Kumpleto ang pamilya sa hapag. Si Tatay. Si Mama. Ako. At ang isa kong kapatid na babae.
Para pagsaluhan ang pinakamasarap na sinabawang talbos ng kamote.
No comments:
Post a Comment