Lumabas ng bahay. Wow, ang init ng sikat ng araw. Dala ko ang three-folded na payong.
Naglakad. Nasa limang minuto tantiya ko bago marating ang kakainan.
Umorder. Breaded fish. Nagbayad. Humingi ng tubig na walang yelo. Umupo. Hinintay ang inorder. Dumating ang order. Kumuha ng kutsara at tinidor. Kumain. Naubos ang pagkain. Busog.
May napansin. Tanga-tanga lang. Maling susi ang dala ko. Susi 'yon ng kwarto ko. Hindi ng mismong pintuan ng unit. Napabuntunghininga. Paano ako makakapasok ngayon? Parang bigla akong nagutom ulit.
Lumabas ako sa kinainan. Umupo sa mga upuan sa labas. Walang ginawa. Pinagmasdan lang ang mga naka-park na mga kotse, mga dumadaang sasakyan sa bahaging 'yon ng C5 at ang mga punong sinayaw-sayaw ng malakas na hangin.
Tinahak ang daan pauwi. Bahala na. Katukin ko na lang ang kapatid ko. Natutulog 'yon. Tulog-mantika. Hindi ako sigurado kung magigising ko. Hindi ko pa nadala cellphone ko.
Mainit at mahangin sa daan. Hinawakan ko ng dalawang kamay ang payong, sa taas at baba. Dahil kung hindi, maaring liliparin 'yon ng malakas na hangin. At dalhin sa kung saan. 'Yun pa naman ang kaisa-isa kong payong.
Biglang bumaligtad ang payong ko. Napasambit ako ng isang malakas na 'Shit'. May may-edad na lalaki sa unahan ko. Narinig n'ya ang pagmumura ko. At ang sabi, 'Ang lakas mo namang maka-Shit'. Hindi ko siya pinansin at nag-tuluy-tuloy nang naglakad pauwi.
Katok ako nang katok sa pinto. Maraming beses. Walang nangyari.
Binuksan ko ang jealousie at hinawi ang kurtina. Sinigaw ang pangalan ng kapatid ko. Maraming beses. Walang nangyari.
Binato ko mula sa bintana ang pinto ng kwarto niya ng pitaka. Pero hindi umabot. Binato ko rin ng dalang maling susi, hindi rin umabot. Walang nangyari. Paano kaya ito?
Umalis ako. Umupo sa may hagdanan. At umidlip habang nakaupo.
Maya, maya, may kumalabit sa likod ko. Kapatid ko.
"Anong nangyari sa'yo?"
"Ah, maling susi ang nadala ko. Pakibukas na lang ang pinto"
"Kanina ka pa dito?"
"Ah, ngayon-ngayon lang"
Mabuti na lang at lumabas siya.
No comments:
Post a Comment