Sunday, January 23, 2011

Hindi Ako 'Yon

Wala pa namang pormal na announcement. Subalit kalat na kalat na ang isang hindi kanais-nais na tsismis na may napupusuan na ang Manager na iangat sa pwesto.

At hindi ako 'yon.
Oo, hindi ako.
Isang desisyon na guston kong sabihing habang buhay nilang pagsisisihan. Dahil nalinlang sila ng isang nilalang na kapag sa dagat ay itinapon,buung-buong lulutang.

Hindi ako masyadong bitter. Slight lang.
Gusto ko lang ng laban na patas. Malinis at walang halong pulitika. Walang pandaraya. Walang panlalamang.
Tagisan ng talino at galing lang. Ang mga matatalino at magagaling, lumalaban ng patas 'yan at hindi na kailangan magpaka-aso para mapansin at sabihing karapat-dapat.

Ginawa ko ang lahat para hindi magkatotoo ang tsismis. Subalit mukhang mabibigo ako. Mukhang hindi ko na mapipigilan ang itinakda. At kapag nangyari 'yon, mag-iiba ang direksyon ng ikot ng mundo...

Subalit hindi pa huli ang lahat para magbago sila ng isip...

Ano kaya ang mangyayari ngayong Linggo?

ABANGAN.

Wednesday, January 19, 2011

Sige Alak Pa!

"Gusto mo kita tayo, boring dito sa amin eh,"
Natanggap ko ang text na ito ni Leo habang besing-besi ako sa loob ng classroom. Gustong-gusto ko kapag nagdi-discuss si Paul de Jesus kaya naman hindi ako kumukurap para lang makasunod sa lesson namin about Franchise.

"9pm pa ang labas ko eh. Gabi na 'yon," reply ko.
Nagdadalawang isip din ako kasi nga may pasok pa ako bukas.

Nawala ako sa konsentrasyon kay Paul. Nagpalitan na kasi kami ng text messages ni Leo. Hanggang sa napagkasunduan naming magkikita ng 9pm para sabay na kaming pumunta ng bahay. Inuman lang pala ang hanap ng loko. Eh di ayos lang na pagbigyan...sabagay ilang araw na ring wala ng alak na dumadaloy sa aking katawan.

Hindi ko alam kung bakit sinapian si Paul kaya maaga nya kaming pinauwi na gustong-gusto ko naman.
Umuulan sa labas. Wala pa naman akong payong. Pero sa ngalan ng kasunduan, nagpaulan na lang ako papunta sa sakayan ng jeep. Mas gusto ko ngang magkasakit para sick leave sa opis. Pagod na rin akong magtrabaho kaya kung luluwang ang turnilyo ko ay bigla ko na lang silang gugulatin ng resignation letter.

Andun na ako sa LRT. D Jose Station. Hinihintay ko na si Leo. Maya-maya lang ay dumating na siya. Nauna na pala sa loob ng istasyon. Kunwari hindi ko sya nakita para siya ang kusang lalapit sa akin. Na nangyari naman. Konting kwentuhan at dumating na ang tren.

Tahimik lang kami sa loob. Inoobserbahan ko lang ang reaksyon ng mga tao sa loob ng tren. Syempre may nahuhuli akong mga babae't bakla na nakapako ang tingin kay Leo.

At sino ba namang hindi?
Sa tangkad niyang, 5 feet at 9 inches; half-Puerto-Rican at bakat na bakat ang laki ng muscles sa katawan. At naka-short lang siya. Model na model ang dating...In short,pogi.

LRT.MRT.Jeep.Nasa Market Market na kami. Hindi pa daw siya nakapunta dun ever kaya naman nag-tour around the place muna. Maraming tao. Sa paglalakad namin, may nakasalubong akong kakilala.

Si Ed. Mabuti na lang at hindi nya ako nakita. Sigh! Ayaw ni Leo sa lugar maraming tao. Gusto nya tahimik. Siguro para makapag-usap kami ng maayos.

At 'yon. Sa restobar na kokonti lang ang tao kami napadpad. Umorder ng pagkain at isang bucket ng beer. Tig-tatalong San Mig Light kami so ayos na 'yon para di masyadong malasing...Kain muna bago inom. Kwentuhan din ng kung anu-ano lang.

Pano kami nagkakilala ni Leo?
Well,sa hindi sinasadyang pagkakataon. Naalala n'yo pa ba si Ekstranghero sa nauna kong mga posts? Siya ang dahilan kung bakit may isang Leo ngayon. Si Ekstranghero kasi wala ng cellphone. Hindi ko alam kung anong pinaggagawa ng loko. Siyempre pa, dahil gusto daw nya akong makatext, nanghiram siya ng CP sa friend ng friend nya at si Leo 'yon. At 'yun ang simula.

Makwento si Leo. Mga kwentong hindi mo akalaing mararanasan ng isang tulad niya, istorya ng pagsubok at pag-asa. Na sa kabila ng lahat, bumabangon at handang suungin ang anumang laban.Marami akong nalaman sa buhay niya at sa mga pangarap nyang nais makamit. Sa pagkakataong 'yon, na-realized kong mas maswerte pala ako ng konti sa buhay.

Hatinggabi. Umuwi na kami. Sa bahay na siya natulog....