Gustuhin ko man o hindi, kapatid ko pa rin si Edward. Siya ang pangatlo sa anim na magkakapatid. Limang taon ang agwat ng edad namin. Hindi kami close. Hindi rin magkasundo sa halos lahat ng bagay. Iba siya. Iba rin ako. Naiinis akong nakikita ang pagmumukha n'ya. 'Di hamak na mas pogi ako dun. Hahaha. Ayoko sa ugali at takbo ng pag-iisip nya. Mabuti na lamang at nakikipagsapalaran ako sa Maynila kaya 'di ko na siya nakikita.
Nakarating sa akin ang balita. Grumadwet na ng HAYSKUL ang loko sa edad na BENTE. At sa wakas! BENTE rin ako nun nong grumadwet ng COLLEGE. Sabagay, bakit ko naman ikukumpara ang sarili ko sa mga taong parang walang pangarap sa buhay o kung meron man ay di lang masyadong halata.
Eh, di tuwang-tuwa naman ang Mama at Papa ko sa pagtatapos ni Edward. At sino ba namang hindi? Balita ko pa, naghanda pa daw sila sa amin. At dahil sa mabaet akong kapatid at anak, sa akin pala galing ang pinanghanda.
Hindi rin biro ang dinanas ng mga magulang ko sa piling ng hinayupak kong kapatid. Naroo't nilagay sa kahihiyan ang buong angkan ng minsang nahuling nagnakaw ng pera sa kapitbahay namin. Pati tuloy ako ay walang mukhang ihaharap at gusto ko ng maglaho dahil sa nangyari. Pinalaki kami ng maayos at tama ng mga magulang namin, tinuruan ng kagandahang-asal at matinong pakikitungo sa kapwa.Subalit hindi ko maintindihan si Edward. Hinding-hindi!
Naroo't kunwari ay pumapasok sa paaralan, yun naman pala ay sa bilyaran lang ang punta. Ang baon ang ginagawang pantaya sa sugal. Kapal talaga ng mukha! Hindi man lang naisip ang hirap ng mga magulang namin para magkaroon lang kami ng makain sa araw-araw at pantustos sa pag-aaral.
Halos lahat ng subject ay binagsak. Hindi man lang nagmana sa matatalinong mga nakakatandang kapatid. Hindi na nahiya.
Laro lang ang laging inatupag. Basketbol at Billiard, 'yan mga paborito nya yan. Kung saan-saan pa nakakarating. Kung saan-saan natutulog. Madalas hindi umuuwi ng gabi. Madalas nakikipaglasingan sa mga barkada n'yang wala ring mga direksyon sa buhay.
Kelan pa kaya titino ang taong 'yon?
'Yon ang hiling ko sa langit!
No comments:
Post a Comment