Larawang Hiram mula sa http://www.trekearth.com/gallery/photo452272.htm |
"Pinaganda mo pala ang kilay ng babae?" tanong ng babaeng hairstylist na ang tinutukoy ay ang kakaalis lang na kustomer.
"Oo 'te. Tingnan mo naman 'yong kilay niya parang kilay ni Bakekang. Dapat paglabas nila dito, maganda sila," sagot ng baklang hairstylist habang ginugupitan ako.
At lihim akong natawa sa pag-uusap ng dalawa.
Aha, ganito pala ang nangyayari kapag nakaalis na ang kustomer. Iniisip ko tuloy kung ano ang pwedeng ikomento ng mga 'yon pagkalabas ko ng salon. Sana naman ay hindi nila ako nilait sa makapal kong buhok. Wala naman siguro silang nakitang kuto o kung anumang hindi kanais-nais na elemento sa buhok ko.Mahigit dalawang buwan na atang hindi natasahan ang buhok ko. Kaya naman naisipan kong dumaan sa salon.
Noong bata pa ako hanggang nag-college, hindi man lang nakatikim ang aking buhok ng mga modernong teknolohiya gaya ng uso ngayon. Gunting at suklay lang ay solb na. Payag na nga lang din akong si Tatay ko na ang nagugupit sa akin noong bata pa ako.Sa ganoong paraan, nakakatipid sa pambayad sa barbero. Pero para namang pinagpraktisan lang ni Tatay ang gupit ko. Hindi naman talaga siya barbero. Kaya tuloy sa school, lagi akong tinatanong ng titser at mga kaklase ko kung sino ang gumupit sa akin. Sabi ko naman, si Tatay. Wala naman akong karapatan mag-inarte noon kasi nga mahirap lang din kami.
Pero siyempre noong hayskul at college ako, dyahe ng kay Tatay pa rin ako magpagupit, di ba? So sa kapitbahay na lang naming barbero.Sa halagang bente-singko pesos ay may magandang gupit ka na. Noong nakaraang taon,nabalitaan kong patay na pala 'yong barbero ko ng halos walong taon. Buhay nga naman.
Balik tayo sa kasalukuyan.
Ilang minuto lang ay may bago na akong hairdo. As usual, maikli pa rin para matagal tumubo at alam na ng hairstylist ko 'yon dahil sa kanya ako nagpapagupit ng paulit-ulit.
"Ngayon na lang kaya kulayan natin ang buhok mo," suhestiyon ng hairstylist.
Noon pa niya ako inaawitan na magpakulay daw ng buhok. Sabi ko dati na sa Pasko na lang para marami akong perang pambayad. Dumaan ang pasko, pero hindi pa rin ako nagpakulay. Haha. Natatakot din kasi ako baka kung anong mangyari sa hair ko. Sanay pa naman ako sa natural black hair.
Subalit sa pagkakataong ito, ika-28 ng Marso 2011, ako'y tuluyang ng nagpaalam sa natural black hair ko. Pumayag na kasi akong magpa-hair color. Sabi ko, yong kulay na hindi masyadong halata na nagpakulay ako. Hahaha. Ayon, pinapili ako ng kulay at pinili ko naman 'yong brown na may halong black pa rin (ewan ko anung tawag sa kulay nun, english kasi at mahirap i-pronounce)
Ilang minuto ang matuling lumipas, natapos ang kung-anu-anong ginagawa sa buhok ko. Maayos naman. At nagustuhan ko. Haha
Umani naman ako ng parangal nang pumasok ako sa opis dahil bagay daw sa akin ang new hairdo at new hair color.
Bola.
2 comments:
haha... like ko 'to. :)
hello, prinsipe!
salamat po..hehe
Post a Comment