Nadapa ako sa daan
Naglaro kasi kami ng habul-habulan
Tuhod ko’y nasugatan
Mga kalaro ko, nagsipagtawanan
Nang umuwi sa bahay, pinalo ako ni Inay
Sa bawat hagupit ng walis tingting, nasasambit ang ‘aray’
Ako’y pasaway, bakit daw kasi lumabas ako ng bahay
Hindi sana nasaktan kung hindi sumuway
Sumilip ako sa bintana
Sa labas, naglalaro aking mga kababata
Naiinggit man ay walang magagawa
Pagkat bawal muna akong gumala
Si Batman, Superman, water gun, aking mga laruan
Sa oras ng kalungkutan, sila ang aking mga kaibigan
Naglalaro kami ng lipad-liparan at baril-barilan
At muli’y nanumbalik aking kasiyahan
Broom...Broom…Mga trak-trakan kong nag-uunahan
Walang direksyon, walang patutunguhan
Hanggang sa sila’y nagkabungguan
Nagkalat sa sahig matapos pagsawaan.
Si Kuya nandiyan na naman
Aking mga laruan pinagdiskitahan
Sinipa si Batman, Superman, Watergun at Trak-trakan
Kaya napunta sila sa kung saan-saan
Pugot ang ulo ni Superman at wala ng kamay si Batman
Nakaligtas ang water gun, pero mga trak-trakan wasak wasak naman
Gusto kong tulungan , mga kaibigan kong laruan
Pero nanikip aking dibdib nang biglaan
Dumating si Itay at mga kapitbahay
Di ko alam kung ako na ba’y mamamatay
Basta ramdam ko ang higpit na yakap ni Inay
Bago ako nawalan ng malay
Lahok para sa kategoryang Tula ng Ikatlong Saranggola Blog Awards
No comments:
Post a Comment