Thursday, February 2, 2012

Isang Oras...

1:02 PM na pala.
Heto ako ngayon, nakaupo. Kaharap ang computer sa opis at sinisimulan ang blog entry na 'to. Isang oras na lang at uwian na namin. Mabuti na lang at hindi uso ang overtime dito sa bago kong nilipatan na department. Kapagod din pala minsan mag-antay ng oras.Hindi ko alam anong pagpapanggap ang kailangan kong gawin. Mabuti na lang at may internet dito sa opis. 'Yun nga lang, bawal ang mag-surf ng hindi related sa business. Hindi rin maka-access ng mga social networking sites gaya ng Facebook at Twitter. Katulad ng ginagawa ko ngayon, bawal ito. Pero hindi pa naman ako nahuhuli ng mga IT folks.' Wag naman sana. 'Wag ngayon. Ang  arte talaga ng bangkong ito. Lahat na lang ng pwedeng ibawal ay bawal.


Tinatanong ako ng katabing si George. "Ano 'yang tina-type mo?"
"Love Letter," sagot ko naman. Naalala ko tuloy na malapit ng sumapit ang Valentines Day. Pero wala akong paki kasi naman single pa rin  ako at wala akong date sa araw na 'yon!

Inaantok si George.Dahil gaya ko ay wala rin siyang ginagawa. Na gaya ko, nag-aantay lang din ng uwian. Hanggang sa natutulog na siya habang nakaupo. Hindi ko siya ginigising para naman hindi n'ya makita ang ginagawa kong pagko-compose ng blog entry.

Tahimik dito.Wala 'yong dalawa kong mga kasama. Si Bernadette, kasalukuyang may meeting at ala una y medya pa 'yun matatapos. Si Zenaida naman, feeling ko naglalakwatsa lang sa kung saan, o nasa restroom o nakikipagtext sa may bandang locker.

11th Floor. Mula sa kinauupuan, tanaw ko ang malaking billboard ng Penshoppe, andun ang imahe ni Ed Westwick. Tanaw ko larawan ng kamaynilaan...buildings, bahay, daan, mga sasakyan at kung anu-ano pa.Tanaw ko rin ang simbahan ng Iglesia ni Kristo. Sila lang naman siguro ang may matutulis na poste na ewan ko kung para saan. Tanong ko minsan sa kakambal ng Mama ko dahil sa dahilang hindi ko alam at hindi ko pinapakialaman, isa na itong ganap na miyembro ng Iglesia ni Kristo kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga apo.

Dumadaan sa bandang likuran ko si Jerald.Control Alt Tab agad. Para kunwari MS Outlook ang inaatupag ko. Daanan kasi papuntang printer ang pwesto ko. Ayokong masulyapan n'ya at ng kahit sino ang ginagawa ko.

Tulog pa rin si George. 1:19 PM na. Kakarating lang din ni Zenaida, hindi ko na inalam pa kung siya ay naglakwatsa, galing sa restroom o kaya sa locker lang. Nagkukunwaring tsine-check ang outlook as if  naman kung may mga bagong emails. Ang ingay ng mga tao sa kabilang team. May pinag-uusapan sila. Hindi na ako nakiki-tsismis pa dahil busy nga ako sa pagsusulat nito.Sigurado akong OT na naman sila!

Nilingon ko ulit si Zenaida. Ayon, forum sa internet ang inatupag. Kagaya ko, inaantay lang din n'ya ang alas-dos bago tuluyang lumarga.

May nag-email. Galing HR. Internal Job Posting daw. Team Leader ang post. Binabasa ko ang job description at qualifications. Parang qualified ako. Parang gusto kong subukang lumipat na naman ng ibang team. Why not, di ba?

Tahimik ang paligid. Wala ng nagdadaldalan. Tipa ng keyboard at pabalik-balik na sipon ng kung sinuman ang nasasagap ng aking pandinig. May totoong busy at may nagbi-busyhan lang talaga. The search for Best Employee in a Most Pretending Role is going on...

1:30 PM. 30 minutes more to go.Tulog pa rin si George. May umuubo na kung sino dun sa bandang malayo. Tumayo ako at tinapon sa basurahan ang walang lamang Cobra Energy drink at plastik mula sa 7-11. Dumating na rin si Bernadette galing meeting. Ginigising n'ya ang natutulog na si George. At nagising naman ito. Nagtsi-check ng email si George.Ngayon lang n'ya nabasa ang IJP Posting na binasa ko kanina habang natutulog siya. At sinabi n'ya sa akin ang tungkol dun, iniisip n'ya na baka interesado ako.

Nagpapaalam na pupunta ng restroom si Bernadette. Bigla ding naiihi itong si George kaya sumama na rin  papuntang restroom. Napalingon ako kay Zenaida, ayon busy sa pagri-research sa google.

Dumadaan sa likod ko si Margaret papuntang printer. Sabi n'ya,"Hi". Sabi ko din, "Hi". Hinawakan pa n'ya ang buhok ko. Oo nga pala, ang haba na ng buhok ko at kelangan ko ng magpagupit. Makadaan nga sa Bench mamaya. December pa pala 'yong huling haircut session ko. 'Yun yong time bago ako umuwi ng Bohol.

1:40 PM na.Naiihi ako. Punta muna ako restroom. Ctrl+Alt+delete. Lock Computer.
1:45 PM At ako ay nagbalik. 5 minutes lang pala ako nawala. At wala na rin akong maisip na maisulat dito kaya kinain ko na lang ang Tootsie roll na binili ko sa halagang 7.00 sa 7-11 kaninang umaga.

Nakikita ako ni George na kumakain. "Bawal ka nga n'yan. Inuubo ka tapos kumakain ka ng chocolate". Deadma lang. Pero in fairytale, concern siya ha. Pumunta na lang ako sa pantry para uminom ng tubig. Ubos na ang Tootsie Roll.

Nag-iisip ako ng title ng entry na 'to. Ano kaya maganda?
Nang biglang lumapit sa akin si Margaret at nagtanong: "May pen ka?"
"Ah,wala eh," sagot ko. Pero kinuha ko ang black pen ni George at iniabot sa nanghihiram. Nawala na kasi 'yung black pen ko.

Kasalukuyan akong nag-iisip ng title ng entry na ito. I have 5 minutes. 1:55PM na.

Wah, wala akong maisip na title. Malakas ang tawanan ng grupo ng mga madadaldal sa may di kalayuan. May nagsabi ng 'Siraulo!' Naririnig ko din na ginagamit ang stapler. Pero ano kaya ang pwede kong maging title sa entry na ito.

Ay, teka. Naalala ko. Hindi pala ako nag-log in sa attendance sheet kanina. Late pa naman ako ng 35 minutes lang naman. Log-in lang ako saglit.

Ayon, done na log-in pati na rin ang log-out.

Time check. 2PM na pala.

Tinayp ang title: Isang Oras...
Then Publish post.

No comments: