Sunday, May 27, 2012

Bawal na ang sagot na 'Oo'

Minsan kailangan mo talagang mag-give up. Hindi dahil 'yun ang tama. Dahil 'yun ang hinihingi ng pagkakataon. Para kang nasa daan na hindi alam kung kakaliwa o kakanan o magpapasagasa na lang. Pero sa bandang huli, magpapasagasa ka na lang talaga!

Tinanong ako: Tutuloy ba ako sa training sa HongKong o hindi?  'Okay lang' tapos bigla akong nag-oo tapos hanging muna ang sagot ko. Kunwari wala pa akong sagot. Hihintayin muna ang resulta ng xray at CBC. Na makalalipas ang isang linggo, napag-alamang maysakit ako. Kaya hindi na ako tumuloy sa HK. Medyo handa pa naman ako at naka-set na ang utak ko na pupunta ako dun. Ipapakain ko na lang sa pusang itim ng kapitbahay namin ang Visa label ko. Hindi ako bitter, ha. Sadyang hindi ko lang tanggap ang sakit na ito.

Nagsasawa na ako, puro kadramahan ko na lang sa sakit ang mga post ko lately. Parang wala na akong maisip na ibang ikwento o pag-usapan. Marahil ay dahil sa dami ng gamot na pinainom sa akin at sa tusok ng karayom , feeling ko naapektuhan ang takbo ng pag-iisip ko.

Saturday, May 19, 2012

Pinagbuklod ng Assignment

Kapag kumuha ka ng accounting subject, dapat may bakanteng oras ka bago ang sked nito. Lalo na sa higher accounting subjects. Para hindi ka masyadong mangarag kung may quiz o assignment, kapag may mahabang assignment na hindi kasya sa one-fourth sheet of paper at lalo na kung kailangan ng 16-column-worksheet. Kung nasa accounting 101 ka pa, chillax ka muna, i-master n'yo muna ang debit at credit habang umiinom ng kape sa Starbucks at pag-isipang mabuti kung tama ba ang kursong pinasukan. Dahil may panahon pang lumipat sa HRM.

Ang assignment ang nagbubuklod ng samahan ng mga magkakaklase. Para din itong alak.' Di ba sa alak nabubuo ang samahan ng magkakaibigan? Sa assignment naman, nabubuo ang walang sawang bigayan, tulungan at higit sa lahat, pag-iingay.

Dahil feeling mo matalino ka, pinamamahagi mo sa buong klase ang 'yong sagot. Kulang na lang ilagay mo sa bulletin board ang iyong mga sagot.  Kokopya man sila o gagawa ng sarili nilang sagot, wala na silang ibang choice, wala ng oras, kaya kokopya na lang. At usapan, walang sisihan sa mga mali.

Dapat sisihin ang sarili dahil hindi gumawa ng sariling assignment. Mas maganda siguro kung bawat isa ay gagawa ng assignment sa bahay at pagdating sa school, ikukumpura na lang ang mga sagot. Kapag pareho naman, malaki na ang posibilidad na tama 'yun, pero 'wag din pakakasiguro sa linlang ng mga computation sa accounting. May mga sagot na akala mo tama, 'yun pala mali.  Kapag hindi naman pareho, pag-usapan kung bakit magka-iba ang sagot. Kumbaga may group discussion muna bago pumasok sa klasrum. Kung sino ang gustong magbago ng sagot, hindi pa huli ang lahat. 'Yung ayaw madumihan ang papel, 'wag na lang magbago, malay mo 'yan ang tama. At 'yung mga nangongopya, kung ano ang sagot ng pinaka-close mo sa klasrum na lang ang kopyahin mo.

Natawa ako sa isa kong kaklase. 'Kakay' ang tawag ko sa kanya. Hinihingal na dumating sa library. D'yan lang kasi sa tapat ng school ang boarding house n'ya. May hindi siya alam. Pero alam na n'ya nang makita n'ya kaming nagkukumpulan sa dalawang table sa library. Time na. Ano pang magagawa n'ya? Sayang din ang 100 points per assignment.  Aakma siyang gagawa. Subalit naalala ko, may draft pala ako ng ginawa ko kagabi. Malay mo may tama din dun versus the revised, ibinigay ko sa kanya. Wais pa rin ang gaga, parang si Lumen lang. Kinuha n'ya ang revised at ikinompara kung ano ang pagkakaiba. May nakita siya sa kanyang ginagawang spot the difference. Binago. Takbo kami agad. Late tuloy kami.

Magtataka ka kung magtataka pa 'yung titser mo kung bakit pare-pareho kayo ng iskor. Minsan may item na sinadyang iniba talaga ang sagot. Para hindi halata. Naku, 'wag ng mag-effort. ' Wag ka ng magbago ng sagot kung nangongopya rin lang. Unless sure na sure ka sa pinalit mong sagot, na for sure ay hindi naman. Alam na 'yan ng titser. Copy and paste lahat sa accounting. 'Wag lang ang pangalan ng kinopyahan. ' Wag kakalimutan kung ilang zero.Nagkakamali ang ilan dahil imbes na 1,000 ang nasa original paper, 100 lang ang nakopya. Minsan naman, nagkabaligtad ang numero. Imbes na 548, 584 ang nakopya. Maliit lang na bagay pero dahil sa pagmamadali, nakakaligtaan, mali tuloy.

Usapang papel naman. Hindi lang tuwing may exam o quiz uso ang panghihingi ng papel. Aba, tuwing may assignment din. Ihanda mo na ang 'yong one whole sheet of yellow paper at kapag hindi nagkasya sa dami, aabot sa three whole sheets. Sampung tanong, mahaba ang mga solusyon. Idagdag pa ang mga erasures. Dahil minsan, nangongopya na nga lang, eh nagkakamali pa.  Maraming walang papel (isa na ako dito), eh saan ba nabubuhay ang mga kaklase mo? Sa panghihingi o kaya sasabihing papalitan bukas, eh hindi naman. Nagkalimutan na. Dahil d'yan may nakaabang na solusyon, nagbenta ako ng yellow paper sa klasrum. Para wala ng hingi-hingi. Utang na lang. Lista ko naman. Kapag oras ng singilan, hindi naman ako tinatakbuhan.

Napudpud na ang hintuturo ng librarian/library assistant sa kakapatunog ng bell dahil sa ingay ng mga gumagawa/nangongopya ng assignment sa library. Tatahimik saglit. Pero maya'y maya ay mag-iingay. Kulang na lang ay kaladkarin palabas. Pero kapag ako ang bantay sa library, masaya ang lahat, dahil mabaet ako. Library assistant din ako, noh.

Bilang isang accounting student, dapat hindi kinakalimutan ang calculator. Nakuh, kakambal mo ito at hindi ka mabubuhay kung wala ito. Hindi kailangan ang scientific calculator, pang Physics lang 'yun. 'Wag iiwan sa bahay at 'wag kang umasang dalawa ang calculator ng katabi mo at mapapahiram ka ora mismo. Posibleng may dalawa, sira naman ang isa.

Sabi nga nila, ang buhay ay parang gulong. Minsan nasa taas, minsan naman nasa baba. Sa assignment naman, minsan ikaw ang source, minsan naman tagakopya lang. Minsan ang iba, taga-tanong na lang ng "Ay, may assignment pala, hindi ako nakakopya".

Ako naman, minsan gumagawa lalo na kapag madali lang, sisiw.  Sinusubukang gawin kapag mahirap na hanggang dumugo ang ilong at ulo. At dahil hindi kayang gawin, itulog na lang at sasabihing "Sana may gumawa ng assignment at kokopya na lang ako".

Wednesday, May 16, 2012

Oo nga pala, Maraming Bukas!

Sabi ko kahapon, ngayon ako pupunta sa opis. Hindi natuloy. Mahirap palang maglakad-lakad na maysakit. Sa hagdanan pa lang ay hinihingal na ako. Parang hindi ko yata kaya.

Iniisip kong sa email na lang ipapadala. Para mas madali ang buhay. At saka na ako magpapakita kapag kayang-kaya ko na talaga. Pero parang nahihiya ako kung sa email lang, masyado atang informal.

Susubukan ko bukas.

Tuesday, May 15, 2012

IIkot na ang Mundo ko, Sama ka?

Ito na siguro ang (isa sa) pinakamabigat na desisyon na gagawin ko sa buhay ko. Na sadyang babago sa lahat. Iiba sa ikot ng mundo. Kasabay ng pagsakop ng bansang Tsina sa Pilipinas. Dito ako sobrang kinabahan. Pero pasalamat tayo at dumating ang mga The Avengers para tayo'y ipagtanggol.

At siya nga pala, naranasan mo na bang:

1. Magkasakit? 'Yung tipong kailangan mo ng dugo ng ibang tao na isalin sa katawan mo dahil kung hindi manghihina ka?
2. Isuko ang trabaho mo para sa kapakanan ng sarili mo dahil naniniwala kang Health is Wealth?
3. Walang sweldo dahil wala ka ng trabaho?
4. Aalis sa inuupahang apartment dahil kailangan mo ng umuwi ng probinsiya at dahil wala ka na ring pambayad?
5. Mag-aalsa-balutan ng lahat ng gamit at ipapadala sa pamamagitan ng To Go dahil walang kasiguraduhan ang muling pagbabalik?
6. Sinundo ng ina at kapatid para tumambay na lang sa probinsiya? Kahit takot ang ina mo sa pagsakay ng eroplano?
7. Hihinto sa pag-aaral ang kapatid dahil wala ng pambayad sa tuition fee? 

Ako, OO.

Naikwento ko na ang buhay ko bilang isang pasyente sa dating mga posts. Mahirap. Minsan hindi ko maiwasan itanong kung bakit ako pa. Siguro isang pagsubok na naman ito na kailangan kong lampasan. Pero grabeng pagsubok naman ito. Pwede kong ikamatay! Napakabata ko pa para sapitin ang kamatayan. Hindi pa ako handa. Kapag nangyari 'yun, tiyak magmumulto ako.

'Yung #2 naman talaga ang gusto kong pag-usapan. Nagtatalo ang aking isip. Kung mag-immediate resignation ako o magbigay ng 30 day notice. Hirap mag-decide.Pero parang maraming votes na mag-immediate resignation na lang. Hindi ko alam ang consequences nito. Pero isa lang ang gusto ko, h'wag munang magtrabaho. Parang hindi ko pa kaya. Hinang-hina pa ang katawan ko. Kung makikita mo akong naglalakad, matatawa ka at siyempre babatukan kita. Hindi pa ako masyadong magaling. At kapag naglalakad, ambagal. At kahit malapit lang ay hinihingal ako. 

Hindi pa ako nag-tender ng resignation letter. Sabi ko sa Lunes. Eh, tinamad ako at parang nilalagnat ako. By the way, sa di malamang dahilan, nawala na parang bula ang pagtsi-chills ko. Araw-araw kasi 'yun. Sabi ko ulit sa Martes, ngayon 'yun. Pero hindi natuloy. Kaya bukas na lang. Sana matuloy. At sana pirmahan ang immediate resignation letter ko para wala na akong problema. Teka meron pa pala, 'yung cost ng Visa. 'Di ba dapat may training ako sa HongKong? Hindi ko alam kung babayaran ko yun o thank you na lang.
 
Ang sabi, iho-hold daw ang sweldo kapag nag-resign. Eh, anong iho-hold nila sa akin eh hindi na nga ako pumapasok. Simula na ng buhay taghirap. 'Yung konting ipon ko pa naman, naibayad ko sa hospital bills.  Saka naaawa ako sa kapatid ko. Hindi ko pa nasabing, hindi muna siya mag-aaral ngayong semester. Hinto muna. Tambay saglit. Kagaya ko. At si Mama, nagpunta pa talaga dito sa Maynila para bantayan ako sa ospital at alagaan ako. Medyo kinabahan atah sa sakit ko kaya biglaang napasugod.  Sinusundo ako. Dun na lang daw muna ako sa probinsiya para makapagpahinga ng maayos.

Kung hindi ko pa magagawa bukas, ewan ko na lang!