Tuesday, May 15, 2012

IIkot na ang Mundo ko, Sama ka?

Ito na siguro ang (isa sa) pinakamabigat na desisyon na gagawin ko sa buhay ko. Na sadyang babago sa lahat. Iiba sa ikot ng mundo. Kasabay ng pagsakop ng bansang Tsina sa Pilipinas. Dito ako sobrang kinabahan. Pero pasalamat tayo at dumating ang mga The Avengers para tayo'y ipagtanggol.

At siya nga pala, naranasan mo na bang:

1. Magkasakit? 'Yung tipong kailangan mo ng dugo ng ibang tao na isalin sa katawan mo dahil kung hindi manghihina ka?
2. Isuko ang trabaho mo para sa kapakanan ng sarili mo dahil naniniwala kang Health is Wealth?
3. Walang sweldo dahil wala ka ng trabaho?
4. Aalis sa inuupahang apartment dahil kailangan mo ng umuwi ng probinsiya at dahil wala ka na ring pambayad?
5. Mag-aalsa-balutan ng lahat ng gamit at ipapadala sa pamamagitan ng To Go dahil walang kasiguraduhan ang muling pagbabalik?
6. Sinundo ng ina at kapatid para tumambay na lang sa probinsiya? Kahit takot ang ina mo sa pagsakay ng eroplano?
7. Hihinto sa pag-aaral ang kapatid dahil wala ng pambayad sa tuition fee? 

Ako, OO.

Naikwento ko na ang buhay ko bilang isang pasyente sa dating mga posts. Mahirap. Minsan hindi ko maiwasan itanong kung bakit ako pa. Siguro isang pagsubok na naman ito na kailangan kong lampasan. Pero grabeng pagsubok naman ito. Pwede kong ikamatay! Napakabata ko pa para sapitin ang kamatayan. Hindi pa ako handa. Kapag nangyari 'yun, tiyak magmumulto ako.

'Yung #2 naman talaga ang gusto kong pag-usapan. Nagtatalo ang aking isip. Kung mag-immediate resignation ako o magbigay ng 30 day notice. Hirap mag-decide.Pero parang maraming votes na mag-immediate resignation na lang. Hindi ko alam ang consequences nito. Pero isa lang ang gusto ko, h'wag munang magtrabaho. Parang hindi ko pa kaya. Hinang-hina pa ang katawan ko. Kung makikita mo akong naglalakad, matatawa ka at siyempre babatukan kita. Hindi pa ako masyadong magaling. At kapag naglalakad, ambagal. At kahit malapit lang ay hinihingal ako. 

Hindi pa ako nag-tender ng resignation letter. Sabi ko sa Lunes. Eh, tinamad ako at parang nilalagnat ako. By the way, sa di malamang dahilan, nawala na parang bula ang pagtsi-chills ko. Araw-araw kasi 'yun. Sabi ko ulit sa Martes, ngayon 'yun. Pero hindi natuloy. Kaya bukas na lang. Sana matuloy. At sana pirmahan ang immediate resignation letter ko para wala na akong problema. Teka meron pa pala, 'yung cost ng Visa. 'Di ba dapat may training ako sa HongKong? Hindi ko alam kung babayaran ko yun o thank you na lang.
 
Ang sabi, iho-hold daw ang sweldo kapag nag-resign. Eh, anong iho-hold nila sa akin eh hindi na nga ako pumapasok. Simula na ng buhay taghirap. 'Yung konting ipon ko pa naman, naibayad ko sa hospital bills.  Saka naaawa ako sa kapatid ko. Hindi ko pa nasabing, hindi muna siya mag-aaral ngayong semester. Hinto muna. Tambay saglit. Kagaya ko. At si Mama, nagpunta pa talaga dito sa Maynila para bantayan ako sa ospital at alagaan ako. Medyo kinabahan atah sa sakit ko kaya biglaang napasugod.  Sinusundo ako. Dun na lang daw muna ako sa probinsiya para makapagpahinga ng maayos.

Kung hindi ko pa magagawa bukas, ewan ko na lang!

No comments: