Kapag kumuha ka ng accounting subject, dapat may bakanteng oras ka bago ang sked nito. Lalo na sa higher accounting subjects. Para hindi ka masyadong mangarag kung may quiz o assignment, kapag may mahabang assignment na hindi kasya sa one-fourth sheet of paper at lalo na kung kailangan ng 16-column-worksheet. Kung nasa accounting 101 ka pa, chillax ka muna, i-master n'yo muna ang debit at credit habang umiinom ng kape sa Starbucks at pag-isipang mabuti kung tama ba ang kursong pinasukan. Dahil may panahon pang lumipat sa HRM.
Ang assignment ang nagbubuklod ng samahan ng mga magkakaklase. Para din itong alak.' Di ba sa alak nabubuo ang samahan ng magkakaibigan? Sa assignment naman, nabubuo ang walang sawang bigayan, tulungan at higit sa lahat, pag-iingay.
Dahil feeling mo matalino ka, pinamamahagi mo sa buong klase ang 'yong sagot. Kulang na lang ilagay mo sa bulletin board ang iyong mga sagot. Kokopya man sila o gagawa ng sarili nilang sagot, wala na silang ibang choice, wala ng oras, kaya kokopya na lang. At usapan, walang sisihan sa mga mali.
Dapat sisihin ang sarili dahil hindi gumawa ng sariling assignment. Mas maganda siguro kung bawat isa ay gagawa ng assignment sa bahay at pagdating sa school, ikukumpura na lang ang mga sagot. Kapag pareho naman, malaki na ang posibilidad na tama 'yun, pero 'wag din pakakasiguro sa linlang ng mga computation sa accounting. May mga sagot na akala mo tama, 'yun pala mali. Kapag hindi naman pareho, pag-usapan kung bakit magka-iba ang sagot. Kumbaga may group discussion muna bago pumasok sa klasrum. Kung sino ang gustong magbago ng sagot, hindi pa huli ang lahat. 'Yung ayaw madumihan ang papel, 'wag na lang magbago, malay mo 'yan ang tama. At 'yung mga nangongopya, kung ano ang sagot ng pinaka-close mo sa klasrum na lang ang kopyahin mo.
Natawa ako sa isa kong kaklase. 'Kakay' ang tawag ko sa kanya. Hinihingal na dumating sa library. D'yan lang kasi sa tapat ng school ang boarding house n'ya. May hindi siya alam. Pero alam na n'ya nang makita n'ya kaming nagkukumpulan sa dalawang table sa library. Time na. Ano pang magagawa n'ya? Sayang din ang 100 points per assignment. Aakma siyang gagawa. Subalit naalala ko, may draft pala ako ng ginawa ko kagabi. Malay mo may tama din dun versus the revised, ibinigay ko sa kanya. Wais pa rin ang gaga, parang si Lumen lang. Kinuha n'ya ang revised at ikinompara kung ano ang pagkakaiba. May nakita siya sa kanyang ginagawang spot the difference. Binago. Takbo kami agad. Late tuloy kami.
Magtataka ka kung magtataka pa 'yung titser mo kung bakit pare-pareho kayo ng iskor. Minsan may item na sinadyang iniba talaga ang sagot. Para hindi halata. Naku, 'wag ng mag-effort. ' Wag ka ng magbago ng sagot kung nangongopya rin lang. Unless sure na sure ka sa pinalit mong sagot, na for sure ay hindi naman. Alam na 'yan ng titser. Copy and paste lahat sa accounting. 'Wag lang ang pangalan ng kinopyahan. ' Wag kakalimutan kung ilang zero.Nagkakamali ang ilan dahil imbes na 1,000 ang nasa original paper, 100 lang ang nakopya. Minsan naman, nagkabaligtad ang numero. Imbes na 548, 584 ang nakopya. Maliit lang na bagay pero dahil sa pagmamadali, nakakaligtaan, mali tuloy.
Usapang papel naman. Hindi lang tuwing may exam o quiz uso ang panghihingi ng papel. Aba, tuwing may assignment din. Ihanda mo na ang 'yong one whole sheet of yellow paper at kapag hindi nagkasya sa dami, aabot sa three whole sheets. Sampung tanong, mahaba ang mga solusyon. Idagdag pa ang mga erasures. Dahil minsan, nangongopya na nga lang, eh nagkakamali pa. Maraming walang papel (isa na ako dito), eh saan ba nabubuhay ang mga kaklase mo? Sa panghihingi o kaya sasabihing papalitan bukas, eh hindi naman. Nagkalimutan na. Dahil d'yan may nakaabang na solusyon, nagbenta ako ng yellow paper sa klasrum. Para wala ng hingi-hingi. Utang na lang. Lista ko naman. Kapag oras ng singilan, hindi naman ako tinatakbuhan.
Napudpud na ang hintuturo ng librarian/library assistant sa kakapatunog ng bell dahil sa ingay ng mga gumagawa/nangongopya ng assignment sa library. Tatahimik saglit. Pero maya'y maya ay mag-iingay. Kulang na lang ay kaladkarin palabas. Pero kapag ako ang bantay sa library, masaya ang lahat, dahil mabaet ako. Library assistant din ako, noh.
Bilang isang accounting student, dapat hindi kinakalimutan ang calculator. Nakuh, kakambal mo ito at hindi ka mabubuhay kung wala ito. Hindi kailangan ang scientific calculator, pang Physics lang 'yun. 'Wag iiwan sa bahay at 'wag kang umasang dalawa ang calculator ng katabi mo at mapapahiram ka ora mismo. Posibleng may dalawa, sira naman ang isa.
Sabi nga nila, ang buhay ay parang gulong. Minsan nasa taas, minsan naman nasa baba. Sa assignment naman, minsan ikaw ang source, minsan naman tagakopya lang. Minsan ang iba, taga-tanong na lang ng "Ay, may assignment pala, hindi ako nakakopya".
Ako naman, minsan gumagawa lalo na kapag madali lang, sisiw. Sinusubukang gawin kapag mahirap na hanggang dumugo ang ilong at ulo. At dahil hindi kayang gawin, itulog na lang at sasabihing "Sana may gumawa ng assignment at kokopya na lang ako".
1 comment:
nakakarelate ako sa post mo. Haha
gawain din namin ang ganyan. and lahat ng nangyayari sa post na to ay nagawa ko rin. Aminado din ako na nangongopya din ako pag nawala sa isip ko na may assignment ako kahit pa nagscan ako ng dapat kong gawin. Compare dito, compare dyan.
Ngayong 4th year college na ko, nagdadasal ako na sana maipasa ko lahat ng evaluation exams namin para makagraduate on-time.
Natatawa talaga ako sa post mong ito
Post a Comment