Wednesday, March 30, 2011

Goodbye Black Hair!


Larawang Hiram mula sa  http://www.trekearth.com/gallery/photo452272.htm

"Pinaganda mo pala ang kilay ng babae?" tanong ng babaeng hairstylist na ang tinutukoy ay ang kakaalis lang na kustomer.

"Oo 'te. Tingnan mo naman 'yong kilay niya parang kilay ni Bakekang. Dapat paglabas nila dito, maganda sila," sagot ng baklang hairstylist habang ginugupitan ako.

At lihim akong natawa sa pag-uusap ng dalawa.
Aha, ganito pala ang nangyayari kapag nakaalis na ang kustomer. Iniisip ko tuloy kung ano ang pwedeng ikomento ng mga 'yon pagkalabas ko ng salon. Sana naman ay hindi nila ako nilait sa makapal kong buhok. Wala naman siguro silang nakitang kuto o kung anumang hindi kanais-nais na elemento sa buhok ko.Mahigit dalawang buwan na atang hindi natasahan ang buhok ko. Kaya naman naisipan kong dumaan sa salon.

Noong bata pa ako hanggang nag-college, hindi man lang nakatikim ang aking buhok ng mga modernong teknolohiya gaya ng uso ngayon. Gunting at suklay lang ay solb na. Payag na nga lang din akong si Tatay ko na ang nagugupit sa akin noong bata pa ako.Sa ganoong paraan, nakakatipid sa pambayad sa barbero. Pero para namang pinagpraktisan lang ni Tatay ang gupit ko. Hindi naman talaga siya barbero. Kaya tuloy sa school, lagi akong tinatanong ng titser at mga kaklase ko kung sino ang gumupit sa akin. Sabi ko naman, si Tatay. Wala naman akong karapatan mag-inarte noon kasi nga mahirap lang din kami.

Pero siyempre noong hayskul at college ako, dyahe ng kay Tatay pa rin ako magpagupit, di ba? So sa kapitbahay na lang naming barbero.Sa halagang bente-singko pesos ay may magandang gupit ka na. Noong nakaraang taon,nabalitaan kong patay na pala 'yong barbero ko ng halos walong taon. Buhay nga naman.

Balik tayo sa kasalukuyan.
Ilang minuto lang ay may bago na akong hairdo. As usual, maikli pa rin para matagal tumubo at alam na ng hairstylist ko 'yon dahil sa kanya ako nagpapagupit ng paulit-ulit.

"Ngayon na lang kaya kulayan natin ang buhok mo," suhestiyon ng hairstylist.

Noon pa niya ako inaawitan na magpakulay daw ng buhok. Sabi ko dati na sa Pasko na lang para marami akong perang pambayad. Dumaan ang pasko, pero hindi pa rin ako nagpakulay. Haha. Natatakot din kasi ako baka kung anong mangyari sa hair ko. Sanay pa naman ako sa natural black hair.

Subalit sa pagkakataong ito, ika-28 ng Marso 2011, ako'y tuluyang ng nagpaalam sa natural black hair ko. Pumayag na kasi akong magpa-hair color. Sabi ko, yong kulay na hindi masyadong halata na nagpakulay ako. Hahaha. Ayon, pinapili ako ng kulay at pinili ko naman 'yong brown na may halong black pa rin (ewan ko anung tawag sa kulay nun, english kasi at mahirap i-pronounce)

Ilang minuto ang matuling lumipas, natapos ang kung-anu-anong ginagawa sa buhok ko. Maayos naman. At nagustuhan ko. Haha

Umani naman ako ng parangal nang pumasok ako sa opis dahil bagay daw sa akin ang new hairdo at new hair color.
Bola.

Friday, March 25, 2011

Poor People Prohibited


Ang signage na 'to ay hindi nakakatuwa. Tama ba namang ipinagbawal kaming mga mahihirap na mamasyal sa Greenbelt. Harsh naman. Malamang peke ang signage na 'to. Gawa-gawa ng mga taong walang magawa. Dahil hindi naman siguro gagawin ng matino at edukadong tao ito.

Peke o Totoo? Ano sa tingin n'yo?

Thursday, March 24, 2011

Missing PSP and Digicam

Ako'y lubos na nagdadalamhati sa di inaasahang pagkawala ng aking PSP at Digicam. Marahil ay naiwanan ko sila sa dati kong tinitirahan. Subalit nang aking balikan, wala na sila. Hindi ko alam kung nasaan na.

Sayang. Sayang na sayang. Parang gusto kong kantahin ang 'Sayang na Sayang' by Aljur Abrenica ngayon.

PSP. Inaalagaan ko sa haba ng panahon. Tatlong taon ko din naging kasama matalo man o manalo sa car racing, NBA Live, Tekken at kung anu-ano pang laro.
Tapos...tapos..sa isang iglap nawala rin ang lahat.

Digicam. Dalawang buwan ko lang napakinabangan. Paano na ang mga pictorials? Magta-tyaga na lang ba ako sa cellphone?
Kahit mura lang ang bili ko ay nakakalungkot pa din.

Siguro I have to move on. Mga materyal na bagay lang ang nawala. Mapapalitan ko din ang mga 'yon pagdating ng takdang panahon, kapag yumaman na ako!

Hehe.

Thursday, March 17, 2011

Sa Aking Paglipat

Napatunayan ko na namang tama nga ang lagi kong naririnig na linyang: There's nothing permanent in this world except change. Heto ako ngayon, nag-aalsa balutan, naglilipat ng sariling gamit mga, dadalhin sa bagong titirahan.

Oo, iiwan ko na ang bahay na naging saksi sa mga kaganapan sa aking buhay sa loob ng isang taon at limang buwan. Nakakalungkot isipin subalit kelangan kong gawin dahil 'yon ang sa tingin ko ay nararapat.

Heto  pala ang mangyayari sa aking paglipat:
1. Gagastos ng malaki. Bibili ng mga kagamitan kagaya ng kutsara't tinidor, kaldero't kawali atbp
2. Mahal ang downpayment. Tataas pa ang rent expense ko ng isang-libo isang buwan kumpara sa dati. Di naman tumataas ang sahod ko.
3. Ako ang magbabayad ng nagmamahalang kuryente at tubig. Wala akong naririnig na nagbibigay ang Maynilad at Meralco ng discount.
4. Buhay katulong.Ako ang maglilinis ng buong kabahayan. Asan na ang buhay prinsipe na pinapangarap ko?
5. Monasteryo.Nakakabinging katahimikan. Siguro magpapatugtog na lang ako ng Lady Gaga songs o rap ni Abra.
6. Walang internet. Mamimis ko si Facebook ,Twitter at ang aking di naman masyadong kagandahang blog.
7. Wala ng tagapaglaba. Ambaet kasi ni Tito at ipinaglalaba ako dati ng libre.

At higit sa lahat:
8. Kapag ako binangungot ay walang gigising sa akin. Sana naman sa langit bagsak ko kapag mangyayari ang bagay na kinatatakutan ko :)

Saturday, March 12, 2011

Dear Japan,

Kumusta ka na?

Alam kong hindi mabuti ang iyong kalagayan. Nabalitaan ko ang pagdating ng mapangahas na ni Lindol at sinundan pa ng walang-awang si Tsunami sa inyong lugar. Ikaw ang headline ngayon sa radyo,tv,newspaper at internet. Pati na rin sa twitter ay trending topic ang tungkol sa'yo. 

Malaki ang kinakaharap mong problema.Subalit lagi mong iisiping lahat ng problema ay may solusyon. Ituring mong ito'y isang pagsubok lamang. Ikaw ay magpakatatag at malalampasan mo rin ang lahat ng mga ito. Hindi ka rin naman papabayaan ng iyong mga kaibigan na masadlak sa dusa.

Ako'y nalulungkot at tanggapin mo ang taos puso kong pakikiramay kasama ng aking matalik na kaibigan na si Pilipinas sa mga nangyari.Ipagdadasal namin ang iyong mabilis na paggaling, na sana ikaw ay makabangon muli at magsimula ng panibagong buhay.

Hayaan mo at tumutulong naman si Lady Gaga sa pagtitinda ng bracelet sa kanyang mga fans para magkaroon ng pera para sa'yo.

Hanggang dito na lang. Dapat mag-ingat ka lagi at laging handa sa anumang pagsubok na darating.


God Bless You.

Lubos na Nagmamahal,
Pulubing Prinsipe