Dahil sa matinding impluwensiya ni Camille Prats na nagsusulat ng diary noon sa G-mik kaya naglakas-loob din akong gumawa ng sarili kong diary. Favorite ko si Camille noon. Highschool days 'yun. Sa katunayan, kapag pinapa-sign ako ng slam book ng mga kaklase, nilalagay ko na favorite actress si Camille Prats at pati na rin si Angelica Panganiban.
Ang aking diary ay hindi sosyal. Ito ay isang maliit na spiral notebook lang. Haha. Wala kasing akong pambili ng totoong diary eh. At saka d'yahe naman kung sasabihin ko sa Mama ko na: "Ma, penge pera,bibili lang ako ng diary". Kaya yun, pinagt'yagaan ko na lang ang maliit na notebook.
Kung anu-ano lang ang isinusulat ko sa diary. 'Yung mga tunay na kaganapan sa buhay ko. May mga lihim na ako lang at ang diary ang nakakaalam. Parang sa Mara Clara lang ah.Haha.
Isang araw. Kararating ko lang ng bahay noon galing sa eskwela. Naabutan ko ang kapatid kong babae na ngingiti-ngiti. 'Yun pala hawak n'ya ang aking diary at tuwang-tuwang binabasa. Naiwanan ko kasi ito nang hindi sinasadya. Parang nagsanib lahat ng pwersa ng kadiliman ng sandaling 'yun. Nagalit ako dahil pinakialaman n'ya ang bagay na hindi sa kanya. Subalit wala na atang magagawa pa ang galit ko dahil nabasa na n'ya at higit sa lahat nalaman n'ya ang aking mga pinagsusulat dun.
Simula noon, hindi na ako nagsusulat ng diary. Pinunit ko na rin ang maliit na notebook na 'yon at itinapon nang sa ganun wala ng iba pang makakabasa. Nalaman tuloy ng kapatid ko kung sino ang ultimate crush ko sa school. 'Yun lang naman. At tinutukso ako.
No comments:
Post a Comment