Monday, March 5, 2012

Up and Down

Pagpasok

Madilim ang ang aking natatanaw.Tinulak ko ang sliding door.Dahan-dahan. Gusto ko sanang gayahin 'yung mga eksena sa mga horror movies. Na malapit na sa'yo ang monster pero hindi mo pa mabuksan-buksan ang pinto. Wala lang.Naisip ko lang. Isang katangahan for a quick moment.
Hanggang sa ganap na akong nakapasok sa operations floor. Madilim. Pero bawat hakbang ko ay sumasabay din ang pagkakaroon ng liwanag ang aking nadadaan. Automatic. Sosyal ito. Wala sa tribo namin ang ganitong mga eksena. Nasa pinakadulo ng walang hanggan ang desk ko, ilang bundok pa ang lalakbayin bago ko marating 'yon pero narating ko naman ng walang ka-effort effort.

Walang tao.Wala pa ang mga kasamahan ko. Nagtanong agad ako sa sarili: "Holiday ba today?". Baka kasi ako lang ang pumasok. Pilit inaalala sa aking gunita kung may announcement noong Friday o kaya email advise na walang pasok ngayon. Pero wala akong maalala. Wala talaga. Wala.
'Wag kang mag-ilusyon!'. Abah, sumagot ang aking isip.

Isa lamang ang ibig sabihin nito. Sa kauna-unahang pagkakataon sa bago kong mundo, ako ang pinakamaagang pumasok ngayon. Yes. Isa na pong napakalaking achievement sa akin 'yon. Sana maging tuluy-tuloy na ito at hindi na mamamakyaw ng lates sa susunod pang mga bukas. Confirmed na may pasok nga. Dahil sunud-sunod na ring nagsidatingan ang mga kasamahan ko. Guni-guni ko lang pala ang lahat. Tsk.

Pag-uwi

Siyam na oras na na akong nanatili sa opis para sa trabaho at hindi trabaho. Pero kadalasan, nauubos ang oras sa hindi talaga trabaho. Hindi ko po kasalanan kung bakit petiks sa team namin. At mas lalong hindi ko po kasalanan kung bakit Internet lang ang tanging pampalipas oras ko, kahit na po bawal. Wala po akong kasalanan, kaya uuwi na ako.

Sa elevator, pababa, nagte-text ako. Nang biglang nagtanong itong si receptionist ng lobby na nakasabayan ko. Pero bago ang lahat, sasabihin ko muna ang ilan sa mga ginagawa ng pakialamerang babaeng ito sa buhay sa bangkong 'yon. Isa sa kanyang mga trabaho ay magbigay ng stickers sa mga sinasadya/hindi sinasadyang nakapag-iwan ng ID sa bahay, sinasadya/hindi sinasadyang nawalan ng ID,  applicant na for interview at marami pang iba. Ang nakasulat sa sticker na ididikit sa dibdib ay Pangalan, Pangalan ng Manager at kung saang floor ang mga ito maghahasik ng lagim. Ang iba pa po niyang trabaho ay nasa job description na niya, please contact her for that information.

Eto na ang eksena. Babala: Walang mga binitawang pasabog sa mga eksenang inyong mababasa. Rated PG. Patnubay at Gabay ng magulang ang kailangan. Kung wala ang mga magulang dahil busy, Patnubay at Gabay na lang nga ate o kuya. ay pwede na.
Receptionist: Ilang taon ka na?

Aba, out of the blue, si Ate naglakas-loob nagtanong. Kapansin-pansin na ba ako? Haha

Nag-isip ako saglit. Saglit lang naman. Pero sumagot din naman. "twenty plus po."
Parang naalala ko tuloy ang mga eksena noong nasa kinder pa ako. Flashback.

Teacher: How old are you?
Ako: I am five years old. (Na may kasama pang taas ng kanang kamay para ipakita ang limang kanang daliri. At ituloy-tuloy ko na, "When I grow up I want to be a priest".

Okay.Balik sa kasalukuyang eksena.
Receptionist: Siguro sobrang talino mo kasi hindi ka na lumaki

I smiled. Alangan naman ipapaliwanag ko pa sa kanya ang kwento ng aking buhay. Kung bakit ganito.Kung bakit ganyan.Haha.

Hindi ko alam kung compliment 'yun o sadyang pang-asar lang. Hindi po sobra ang katalinuhan ko. Oo, matalino po ako sa klase noon. May halong pagmamayabang . At konting pagkukunwari. Maaring maniwala, maaring hindi. Pero I suggest na maniwala na lang po. Pero hindi naman siguro 'yun 'yung dahilan bakit hindi ako lumaki (anuh bang laki ang gusto niya? haha). Dahil hindi rin po maipaliwanag ng siyensya pati na ng simbahang Katoliko, at ng mga pinagsanib na pwersa ng lahat ng superheroes kasama ng gobyerno ang nangyayari sa akin, sa'yo at sa sambayanang Pilipino. Kaya manindigan tayong lahat. Maghawak kaway. Magdasal. Para lumabas na ang katotohanan sa kasalukuyang nagaganap na Corona's Impeachment Trial. At hindi lang 'yan, isa-isa nating puksain ang mga pulitikong hindi sumusunod sa matuwid na daan. Tugisin ang mga corrupt. Hindi tayo papayag na ang kaban ng cash ng bayan ay mapupunta sa mga corrupt. Dahil hangga't may bata, may Eat Bulaga!

No comments: