Sunday, April 15, 2012

Pulang Sombrero

May bagong lagay na divider sa bahay. Wala itong kalaman-laman. Hindi pa namin naasikasong lagyan ng kung anu-ano.

Ilang araw ang lumipas, may napansin akong bagay sa taas ng divider, isang pulang sombrero na parang pang-cowboy. Napaisip ako. Ah, baka nilagay lang ng kapatid ko. Kaya hindi ko na pinansin. Ako at ang kapatid ko lang ang nakatira sa bahay kaya maaring siya ang naglagay nu'n. Napaisip ulet ako. Cowboy style? Babae ang gagamit. Pero baka naman sa kaibigan lang n'ya yun at pinatago lang sa kanya. Maaring may costume party din sila sa opis kung saan ginamit 'yun. Hindi ko alam.

Bihira lang kami magkita ng kapatid ko. Kahit nasa iisang bubong. Pang-umaga ako sa trabaho. Siya naman ay panggabi. Nang minsang nagkaabutan kami sa bahay isang Sabado.

Siya: Kanino 'yang sombrero sa taas?
Ako: Ewan. Akala ko sa'yo yan.
Siya. Hindi.
Ako: Eh, kanino 'yan at sino ang naglagay d'yan?
Siya: Hala...may ganyan pa naman si Manong Alex

Si Manong Alex ay asawa ng kapatid ng lola ko na kakamatay lang.

Kinilabutan ako. Minsan ko na ding napaginipan si Manong Alex. Mahal pa naman ako nu'n noong bata ako.Paminsan-minsan, binibigyan ako ng pera.

Siya: Itapon natin 'to
Ako: Sige.

Kinuha ng kapatid ko ang pulang sombrero.
Itinapon sa basurahan.

Saturday, April 14, 2012

Payong, Susi at Ako

Kanina. Tanghalian. Kumakalam ang sikmura. Walang makain sa bahay, lagi-lagi naman. Hindi kasi ako marunong magluto.

Lumabas ng bahay. Wow, ang init ng sikat ng araw. Dala ko ang three-folded  na payong.

Naglakad. Nasa limang minuto tantiya ko bago marating ang kakainan.

Umorder. Breaded fish. Nagbayad. Humingi ng tubig na walang yelo. Umupo. Hinintay ang inorder. Dumating ang order. Kumuha ng kutsara at tinidor. Kumain. Naubos ang pagkain. Busog.

May napansin. Tanga-tanga lang. Maling susi ang dala ko. Susi 'yon ng kwarto ko. Hindi ng mismong pintuan ng unit. Napabuntunghininga. Paano ako makakapasok ngayon? Parang bigla akong nagutom ulit.

Lumabas ako sa kinainan. Umupo sa mga upuan sa labas. Walang ginawa. Pinagmasdan lang ang mga naka-park na mga kotse, mga dumadaang sasakyan sa bahaging 'yon ng C5 at ang mga punong sinayaw-sayaw ng malakas na hangin.

Tinahak ang daan pauwi. Bahala na. Katukin ko na lang ang kapatid ko. Natutulog 'yon. Tulog-mantika. Hindi ako sigurado kung magigising ko. Hindi ko pa nadala cellphone ko.

Mainit at mahangin sa daan. Hinawakan ko ng dalawang kamay ang payong, sa taas at baba. Dahil kung hindi, maaring liliparin 'yon ng malakas na hangin. At dalhin sa kung saan. 'Yun pa naman ang kaisa-isa kong payong.

Biglang bumaligtad ang payong ko. Napasambit ako ng isang malakas na 'Shit'. May may-edad na lalaki sa unahan ko. Narinig n'ya ang pagmumura ko. At ang sabi, 'Ang lakas mo namang maka-Shit'. Hindi ko siya pinansin at nag-tuluy-tuloy nang naglakad pauwi.

Katok ako nang katok sa pinto. Maraming beses. Walang nangyari.
Binuksan ko ang jealousie at hinawi ang kurtina. Sinigaw ang pangalan ng kapatid ko. Maraming beses. Walang nangyari.
Binato ko mula sa bintana ang pinto ng kwarto niya ng pitaka. Pero hindi umabot. Binato ko rin ng dalang maling susi, hindi rin umabot. Walang nangyari. Paano kaya ito?

Umalis ako. Umupo sa may hagdanan. At umidlip habang nakaupo.

Maya, maya, may kumalabit sa likod ko. Kapatid ko.

"Anong nangyari sa'yo?"
"Ah, maling susi ang nadala ko. Pakibukas na lang ang pinto"
"Kanina ka pa dito?"
"Ah, ngayon-ngayon lang"

Mabuti na lang at lumabas siya.

Thursday, April 12, 2012

Masamang Panaginip

Bumibili ako ng mga damit sa isang mall.  Magbabayad na ako. Kinakapa ko pa ang wallet sa bulsa ng pantalon ko.

Nang biglang tumambad ang isang nakakatakot na halimaw na kulay berde sa aking harapan. Mismo sa aking harapan. Akmang sisigaw ako subalit walang boses na lumalabas. Ang mga cashiers ay nagsipagtago na agad.

Takot na takot. Nanginginig. At parang hindi makapaniwala sa nakita. Nawalan ako ng malay saglit . Nakahandusay. Masakit ang ulo ko dahil sa pagkakatama sa sahig.

Ang bilis ng mga pangyayari. Ang lalaking nasa likod ko na magbabayad din ay wasak na wasak ang mukha. Hindi na halos makikilala. Duguan ang buong katawan. Nakakaawa ang hitsura. Pinapaligiran siya ng mga nakiki-tsismis. Hindi ko alam kong siya lang ang biktima. At wala na rin ang halimaw. Isang palaisipan para sa akin kung saan nanggaling 'yon at kung may nag-aalaga ba doon na tao. Nakakatakot talaga.

Nasulyapan ko ang wallet. Katabi n'ya. May bahid ng dugo. Snatcher pala ang nasa likod ko. Pati pala malls ay pinamamahayan na ng mga snatchers. Kaya pala isang maliit na suklay lang ang hawak n'ya kaninang babayaran.

Kinuha ko ang wallet. Hindi na pinunasan. At nagmamadaling tumakbo palabas ng mall. May humabol sa akin. 'Di ko na nilingon. Sumakay ng taxi at umuwi.

Mabilis kumalat ang balita. Sa mga kaibigan. kakilala. pamilya.

Patay na daw ako.

Sa Facebook wall ko...

RIP

***
Nagising ako dahil sa ingay ng paligid. Binuksan ko ang pinto. D'yos ko!

May sunog!

Nataranta ako. Hindi alam ang gagawin. Hindi na ako makalabas ng pinto. Dahil nasakop na ng apoy ang buong hallway. Walang silbi ang fire exit na nasa hallway. Nagdasal ako ng mabilisang Ama Namin. Mabilis ang mga kilos ko. Naglatag ng kumot. Kumuha ng konting damit. Nilagay sa kumot. Kinuha ang laptop. Wala ang aking kapatid. Kumuha ako ng konting damit niya. Kinuha ko rin ang laptop niya. Nilagay din sa kumot.  Di ko alam kung paano ko tinali ang kumot.

Samantalang natupok na ng apoy ang aming pintuan. Ilang minuto siguro ay maaring buong unit na. May bintana kami sa likod. Tinanggal ko lahat ng jealousie. Nabasag ang iba. Pero wala na akong pakialam sa mga oras na 'yon. Hinulog ko ang kumot. Nasa ika-limang palapag ang unit. Bumaba ako sa bintana. Mabilisan. Kapit-kapit na lang sa mga window grills.

Ikatlong palapag.

Nakabitiw.

Nahulog.

Sunday, April 8, 2012

Talbos ng Kamote

"Elton, kumuha ka nga ng talbos ng kamote sa likod. Uulamin natin mamayang gabi."

'Talbos ng kamote na naman,'  sa isip ko.

Kapag talbos na ng kamote ang uulamin, tiyak wala ng budget si Mama. At malamang hindi naka-delihensya si Tatay. O kaya'y inubos lang sa pag-iinom ang sweldo.

Malawak ang taniman ng kamote sa likod ng bahay namin sa Bukidnon. Hindi ako natutuwa bawat pitas ko ng talbos nito. May parang gatas kasi ito na malagkit na dumidikit sa daliri. At may mga insekto pang dumadapo sa akin.

Meron din kaming tanim na kalabasa pero muk'ang wala pang bunga sa buwan na 'yon. Maliit pa rin ang mga sayote kaya hindi pa pwede pagtiyagaan. Ang gabi naman ay hindi pwedeng ulamin. Hitik sa bunga ang bayabas, hindi naman nauulam. Ang mga gulay naming pananim, minsan hinihingi ng mga kapitbahay. Okay lang 'yun dahil hindi naman madamot sina Mama at Tatay. Nakakagaan ng loob kapag alam mong nakapagbigay at nakatulong ka sa kapwa.

At nang matapos ako, ipinakita ko ang maliit na palanggana kay Mama na may lamang talbos.
"Bakit ang konti n'yan, dagdagan mo pa."

Bilang batang masunurin sa magulang, bumalik ako para dagdagan ang talbos ng kamote.

At okay na. Satisfied na siya sa dami. Hinugasan at niluto na.

Kumpleto ang pamilya sa hapag. Si Tatay. Si Mama. Ako. At ang isa kong kapatid na babae.

Para pagsaluhan ang pinakamasarap na sinabawang talbos ng kamote.

Saturday, April 7, 2012

Boarding House

Sadyang mahirap talaga kapag wala kang sariling bahay. Wala kang ibang choice kundi ang mangupahan muna. Habang wala pa 'yung bahay na nasa pangarap mo. Habang hinihintay mo pang matupad ang pangarap mo. Mahirap din mangupahan, minsan may mga rules and regulations ang may-ari na ayaw mo. Minsan may mga roommates/kasambahay kang hindi mo gusto. Pero dapat makibagay dahil nangungupahan ka lang.

Nang mapadpad ako ng Maynila, una akong tumira sa bahay ng registrar ng school na pagtatrabahuan ko sa Tondo. Malaki at maluwang ang room. Walang kama. Sa sahig kami humihiga. Tatlo kami sa room. Puro babae kasama ko. 'Yung co-teacher ko at 'yung teacher ng ibang school. At tuwing natutulog kami, nasa pinakagilid ako at laging may harang na unan na nilalagay ng teacher ng ibang school. Muk'a daw kasi akong rapist at natatakot siyang gahasin ko siya. Wish niya lang.Pero n'ung dumating ang isa pang co-teacher na lalaki, sa sala na kami naglalatag ng banig. Mahirap na daw, baka ano pa ang mangyari. Dalawang libo buwan-buwan naman ang bayad namin sa registrar ng school kasama na ang bahay at pagkain dun. Hindi rin kami nagtagal,isang buwan lang kami mahigit at lumipat na rin sa iba.

Sa pangalawang tinirhan ko. Ito ay isang two-story old house, para ngang haunted house kung titingnan sa labas. Sa Tondo pa rin ito. Sa unang palapag, bodega ng mga bigas at kung anu-ano pang produkto na pag-aari ng Veritas. May bantay, si Ate Tess na nagpapautang din sa amin ng bigas at kahit anong produkto nila. Ang ikalawang palapag naman, mayroong tatlong rooms. Kasama ko sa isang room ang co-teacher na lalaki. Sa pangalawang room, ang co-teacher na babae. Sa pangatlong room naman ay pinaupahan sa isang estudyante ng school. Medyo malaki ang bahay at sulit na rin ang isang libo isang buwang upa, hindi pa kasama ang bayad sa tubig at kuryente. Mag-iingat nga lang sa aso ng kapitbahay na malakas kumahol at nakakatakot sa laki na laging nakatambay sa labas ng gate.

Dahil na-evict kami sa pangalawang tinirhan namin, gagamitin na daw ang buong bahay para sa hindi ko alam na dahilan.
Lumipat na rin kami sa maliit na room na inuupahan ng isa pa naming co-teacher. Ang co-teacher na lalaki ay nag-voluntary exit (hindi nakayanan ang powers ng mga estudyante niya) na kaya dalawa na lang kaming lumipat ng co-teacher na babae. Tatlo kami sa room. Medyo masikip. Medyo mainit. Sakto lang 'yun sa 583 pesos na upa. Murang-mura na. Two-storey house din ito. May dalawang room sa taas kung saan amin 'yung isa. Sa ibaba naman, isang buong pamilya na medyo madami-dami din. May mga bata. Maiingay. Makukulit. Sarap paluin sa pwet.

Dahil sa tindi ng pangangailangan ng salapi, nag-resayn ako bilang huwarang titser at pinasok ang mundo ng lintik na kol sintir na 'yan. Nagpaalam ako sa co- teacher na umuupa sa room na lilipat muna sa Makati. Para at least malapit sa trabaho. Nilalakad lang papuntang opis actually. Lumang building. Isang room. May dalawang kama. 'Yun lang, unahan sa kama kung matutulog na. Tabi-tabi na parang sardinas. Anim kasi kami sa room. Pitong-libo ang upa sa room na 'yun. Hati-hati kaming anim. Naninigarilyo pa halos mga kasama ko. Puro kol sintri agents. Hindi ko nakayanan ang ganung setup. Hindi ako nagtagal. Hindi nga ako umabot ng isang buwan. Bumalik ako sa Tondo. Sa room ng co-teacher ko. At dun ako nagtagal ng mga isang taon.

Bigla ko na lang naisipan mag-rebyu for cpa board exam, lumipat na naman ako sa Sampaloc, sa may Lepanto. Para malapit sa review center. Bago lang ang boarding house. At ako ang kauna-unahang boarder nila. P 1,700 ang renta, kinagat ko na. Three-storey old house ito. Dalawang maliliit na rooms sa first floor, dalawang rooms naman sa second at third floor. Pinili ko ang nasa third floor. Wala lang. Feel ko lang. Hindi nagtagal nagkaroon ako ng iba pang kasama. Mga reviewees din. Sina Toffer, Dino at Aaron, Nursing students. Sina Patrick at Mark, X-ray somethin.Okay naman ang samahan. Naging ka-close ko rin sila. Sa kabilang room ng third floor, sila ang maiingay. Anim sila. Magkaklase. Galing Dipolog. At reviewees for CPA board gaya ko. At naging ka-close ko rin. Kaya walang problema sa pakikisama. Nakakatuwa nga, sa ikli ng panahon na nakasama ko sila, naging komportable agad ako. Umabot din ng dalawang taon ang pananatili ko sa boarding house bago ko tuluyang mag-decide na umalis dahil na rin sa bago kong work. At sa dalawang taon na 'yun, marami na rin akong housemates sa iba't ibang rooms na nakasalamuha na may iba-t ibang personalidad at pananaw sa buhay. Pinigilan ako ng may-ari. Binabaan niya ang upa para sa akin. Hindi ako nagpapigil. Kelangan ko talagang lumipat sa mas malapit sa bago kong work. Nag-resayn na rin kasi ako sa lintik na kol-sintir na 'yan.

Napadpad ako sa Taguig. Isang semi-condo daw 'to. Sabi nila pabahay para sa mga sundalo't pulis ang mga buildings dito.
Inupahan ko ang isang room ng isang unit ng building. Sa kabilang room, andun naman ang lalaking may-ari, dating OFW at pulis ang anak n'ya. Mabait naman siya. At parang kapamilya na rin ang turing sa akin. Kapag daw may problema ako na makakatulong ang anak n'yang pulis, 'wag lang daw akong mahiyang magsabi. Eh, di maganda. Tumagal lang ako ng isang taon. Dumating na kasi ang kapatid ko galing probinsiya at nakahanap na din ako ng isang buong unit dito.

Lumipat kami ng kapatid ko sa kaharap na building lang din. Kaya hindi masyadong hassle ang paglilipat ng gamit. Konti lang gamit namin, actually. Isang unit. Nasa fifth floor. 5k. Hindi nga lang fully-furnished. May dalawang rooms. Tig-iisa kami ng kapatid ko.Maganda na rin 'to, may privacy. Magagawa mo lahat ng gusto mo sa kwarto. Mahigit isang taon na rin kami dito and still counting.

Pero hindi ito ang buhay na gusto. Gusto ko magkaroon ng sariling bahay. Pangarap ko 'yun.

Friday, April 6, 2012

Biyernes Santo

Gutom.

Lumabas ako ng bahay.Sinigurado munang naka-lock ang pinto. Nakatanggap kasi kami ng notice na may mga nangyaring nakawan sa building na ito, kaya mabuti na 'yong secured. Kung sino man ang mga magnanakaw na 'yan, magsisisi lang sila kung unit namin ang mapagtripan nila.