Thursday, October 23, 2008
Kalusugan at Call Center
I've got this from http://www.abante.com/. I believe it could be true.
Kalusugan at Call center
by Susan Fernandez
Naging patok sa mga bagong graduate sa kolehiyo ang pag-usbong ng mga call center sa bansa. Ito ang mga pasilidad na nagseserbisyo sa mga kumpanyang karamihan ay base sa Amerika. Palawak nang palawak ang industriyang ito na umaakit sa mara-ming bagong empleyado. Malaki kasi ang sweldo kahit unang karanasan sa pagtrabaho ang pagiging call center representative.
Minimal ang rekisitos para matanggap dito. Dapat mahusay mag-Ingles at medyo tunog Kano ang pananalita. May tiyaga makitungo sa mga dayuhang customer sa telepono at marunong umasikaso ng mga hiling nila. Ngunit ang oras ng pagtrabaho ay tinatapat sa oras ng negosyo sa Amerika. Kaya naman mula ika-9 ng gabi hanggang ika-6 ng umaga ang iskedyul ng pananatili sa opisina.
Dala marahil ng ala-nganing oras, may mga balitang lumalaganap ang sari-saring karamdaman sa mga empleyado ng call center. Tila kinakapos sa tulog ang karamihan at di rin maasikaso ang disenteng diyeta sa magdamag. Malamang nahihirapan ang marami sa pagpalit ng mga gawain sa araw at gabi. Di rin ganap na nababawi ang tulog sa araw.
Ang kakulangan sa pagtulog ay humahantong sa malawakang paghina ng sistema ng depensa sa ibang karamdaman. Kapag di rin matutukan ang disen-teng pagkain, maaaring madapuan ng mga sakit sa tiyan tulad ng gastroenteritis o ulcers. Isang ospital ay nag-ulat na mula 10 hanggang 14 na taga-call center ang dumulog sa kanila dala ng reklamo sa katawan.
Nakababahala rin ang mga ulat na nagiging adik sa yosi, kape at alcohol ang mga taga-call center. Ang mga ito’y nagiging panlaban nila sa antok, sa alanganing oras ng trabaho at sa inis sa makukulit na customer. Nagbigay daan ito sa pagbukas ng ilang negosyong tutugon sa kanilang mga adiksyon sa alanganin ding mga oras ng buong gabi at madaling-araw.
May ilang kwento ng mga malalaking pagbabago sa estilo ng pamumuhay ng mga call center employees. May bagong mag-asawang parehong nasa call center. Napipilitan silang mag-date na lamang sa almusal sa umaga. Katumbas ito ng hapunan sa gabi dahil oras ng paglabas nila sa call center.
Sa aming kapitbahay, madalas may nagbi-videoke sa madaling-araw. Minsan narinig ko ang malalakas nilang birit nang ika-6 ng umaga. Wala yatang nagpaalala sa kanila na matinding istorbo ang hatid nila sa iba pang kalapit-bahay. Kutob ng mga anak ko’y mga ahente sila ng call center. Ang umaga nila ay katumbas ng gabi ng normal na oras ng pagtrabaho. At sa gabi ang paminsan-minsang pagrerelaks at pagliliwaliw mula sa pagod.
May ilang kumpanyang balak magresponde sa masalimuot na kalagayang ito. Isa sa iniisip na proyekto ay magtayo ng country club para sa mga call center agents. Ang pasilidad ay tututok sa kabuuang katiwasayan ng kalusugan ng mga ahente.
Panukala ng kumpanyang ito na sana’y mag-alay rin ng suporta sa mga call center ang ibang pasilidad tulad ng spa, gym at mga fitness center. Maaari nilang dagdagan ang oras ng operasyon upang masakop ang alanganing oras ng pagtrabaho sa call center. Ang totoo’y ginagawa na nga ang suportang ito ng ibang establisimiyento tulad ng mga kainan na nananatiling bukas magdamag.
Naniniwala akong dapat seryosong pansin ang ibigay sa kalagayan ng kalusugan sa ating mga call center. Mapanganib sa katawan ang pagkait ng tulog sa takdang oras ng pagpapahinga. Ayon sa mga doktor, ang katawan natin ay dapat ganap na nagpapahinga mula 11 ng gabi hanggang 3 ng umaga. Ito na ang pinaka-importanteng apat na oras ng pahinga.
Hindi rin daw talagang ganap na nababawi ang puyat sa pamamagitan ng pagtulog buong araw. Malimit mapupunang matamlay pa rin ang pakiramdam matapos itulog ang puyat sa buong umaga hanggang tanghali o hanggang hapon. At may ilang araw ang dadaan bago tuluyang bumalik sa normal ang sistema ng katawan.
Sa dami ng kabataang naaakit sa malaking sahod ng call centers, malamang na dumami rin ang kabataang may di kanais-nais na kalagayan ng kalusugan. Ang delikado rito ay baka tuluyang mapinsala ang kung anu-anong sistema ng katawan dahil sa malawakang paghina ng pandepensa. Maaaring manatili ang mga karamdaman hanggang sa pagtanda at tuluyang maaapektuhan ang pagiging produktibo ng pag-asa ng bayan.
Labels:
Iskandalo sa Kol Sintir
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment