Tuesday, October 21, 2008
Where's my Birth Certificate?
Hindi ko alam kung pa'no. Basta nagulat na lang ako isang araw nang malaman kong hindi pa pala ako kasama sa bilang ng populasyon ng bansang Pilipinas. Mahirap isipin. Mahirap tanggapin. Kung kaya ko lang bumalik sa nakaraan at ibulong sa aking mga magulang na ipa-rehistro ang aking pagsilang ay sana ginawa ko na. Pero hindi,eh. Wala akong kakayahang balikan ang nakaraan at hindi ko kayang baguhin ang mga naganap na.
Hindi ko sinisisi ang dapat sisihin sa sana'y noon pa ay nagawa na. Ang tanging magagawa ko na lamang ay solusyunan ang problema na dulot ng isang kapabayaan sa mundo ng nakaraan.Hindi ko lubos-maisip na nabuhay ako hanggang sa kasalukuyan na dala ang masaklap na katotohanang ako ay isang nilalang na isinilang na walang katibayan ng kapanganakan.
Isang problema na nagbunga ng maraming problema sa loob ng mahigit dalawang dekada.Tinapos ko ang kolehiyo na hindi man lang nakapag-sumite ng katibayan ng kapanganakan sa iskul. Nakapagtrabaho ako't naging guro, nag-aral ulit hanggang sa dumating ang oras ng aking pagbibitiw sa unang trabaho, nakapagtrabaho ulit at muling nag-aral hanggang dumating sa planong kukuha sana ng board examination. Pero wala pa rin. Gustuhin ko mang maabot ang isang pangarap na bituin ay malabong mangyari kung hindi ako kikilos. Kung hindi ngayon, kelan pa? Kung hindi ako, sino?
Sabi nga nila, ang lahat ng problema ay may solusyon. Biruin mo't matapos akong magdiwang ng dalawampu't dalawang kaarawan sa buhay ko bilang ganap na tao ay saka lamang mabigyan ng isang resolusyon ang isang noon ay napakalaking problema.
Hindi biro ang lahat ng naganap. Ayon sa registrar na nakausap ko sa Pasay, dahil wala akong maipakitang kontrata ng pag-iisang dibdib ng aking mga mahal na magulang (hindi kasi sila kasal,eh), mahihirapan akong asikasuhin ang lahat na mag-isa (nasa probinsya kasi sila). Humingi ako ng magandang opinyon kung ano ang nararapat kong gawin. Well, out of town registration daw ang solusyon. Sa awa ng Poong Maykapal, naging maayos naman ang takbo ng lahat.
Sa kasalukuyan, inihanda ko na ang aking sarili para sumabak sa isang napakahirap na board examination na gaganapin sa darating na May 2009.
Sana. At sana lang naman po. Mapabilang ang pangalan ko sa listahan ng mga papasa para maging masaya ang buhay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment