Inspired by Doon Po Sa Amin
Simpleng buhay lang ang nakagisnan ko.Tahimik.Hindi magulo.Kasama ng mga taong sanay sa hirap at kuntento na sa payak na pamumuhay. Makakain lang tatlong beses sa isang araw ay ayos na. Hindi masyadong naghahangad ng mga materyal na bagay. Kuntento na sa kung ano ang meron....
Pagkagising sa umaga ay tiyak na handa na ang almusal. Puto Maya at mainit na tsokolate lagi ang agahan. Si Aling Nene na suki namin bawat umaga ay kakatok na 'yan sa amin para ihatid ang masarap na Puto Maya at mainit na tsokolate. Kung minsan, hindi siya nakakapagluto, 'yon naman ang mga pagkakataong gigisingin ako ng maaga ni Mama o Tatay para utusang bumili ng bente pesos na pandesal at 3-in-1 na kape. Dalawa o tatlong pirasong pandesal ang nakakain ko. Medyo bitin nga pero ayos lang 'yon. Bihira lang kasing nagkakanin tuwing umaga. At kung meron man, wala din namang ulam. Pero ayos lang, dumidiskarte naman kami minsan.
Preskong-presko ang hangin kaya naman umagang-umaga, hindi ko nakakaligtaang tumungo sa beach. Masarap sa pakiramdam ang hanging nagmula sa karagatan. Nasusulyapan ko ang mga agokoy na mabilis na nagtatakbuhan papunta sa maliliit nilang lungga sa ilalim ng lupa kapag nilalapitan ko sila tuwing low tide. Ang mga hayop-dagat na 'to ay para bang takot na takot sa tao. Agokoy ang tawag sa Bisaya pero ewan ko kung ano 'to sa Tagalog o English o Chinese. Basta sila 'yong maliliit na parang crabs pero hindi naman daw nakakain.Kapag high tide naman, hindi ko alam kung saan nagtatago ang mga agokoy, marahil sa ilalim ng lupa o sa mga bato. Parang hindi sila nalulunod kapag natatabunan ng tubig-dagat ang lupa.
Minsan, namimingwit din ako ng isda kasama ng mga kapatid at pinsan ko kapag high tide. Manghuhuli kami n'yan ng mga kuhol sa tabi-tabi.Pinupukpok namin ng bato ang snail hanggang sa mawasak ito. Kawawang nilalang!
Kinukuha namin ang laman loob at 'yon ang nilalagay namin sa bingwit bilang pain. Para kapag itinatapon sa dagat ay mahuhuli sa patibong ang mga isda. Ang mga maliliit na isdang nahuhuli , binabalik ko rin lang sa dagat kapag nagsawa ng paglaruan o minsan tinatapon. Pero 'yong isa kong kapatid, inuuwi sa bahay, piniprito at kinakain. Kadiri kaya.
Maraming mangrove trees ang itinanim ng lolo ko sa dagat. Kapag naisipan naming mamingwit ng isda ay doon lang kami pumupwesto. Bukod sa hindi pa mainit dahil malalaki na ang mga 'to, may ginawa ang kapitbahay naming manginginom na lamesa na ipinako lang sa katawan ng puno. Minsan ang mga binatang kalalakihan sa amin ay doon nag-iinuman, nagkukwentuhan, nagigitira at nagkakantahan ng Eraserheads at Parokya ni Edgar songs.
Kapag sawa na sa pamimingwit, maghuhubad na 'yan at kanya-kanyang langoy o sisid sa dagat. Minsan may dumadayo na taga ibang barangay para maligo, ayon di ko rin maiwasan makipagkaibigan. Niyayang maglalaro ng habul-habulan sa gitna ng dagat. Kakatuwa kaya.
Tuwing hapon, kapag sinipag, nangunguha ako ng mga kabibe sa dagat. Kapag nakarami-rami na ay inuuwi ko at niluluto naman ng Mama ko. At may panghapunan na kami. Kapag wala naman kaming panggatong, sa dalampasigan ay namumulot ako ng mga kahoy at kung anu-anong pwedeng panggatong, binibilad ko lang sa init ng araw, at ilang oras lang ay pwedeng-pwede ng isabak sa lutuan.
Ayos di ba?
Nakakain kami ng hindi masyadong gumagastos. Pero minsan, nakakasawa rin kung araw-arawin ang kabibeng ulam. Kaya naman kapag pumupunta sa gitna ng karagatan ang lolo ko, inaabangan ko ang pagdating, tumutulong akong dalhin ang mga huling isda papunta sa bahay nila. Medyo mabigat pero tinitiis ko lang para naman magkaulam kami, binibigyan din kasi kami ng isda. 'Yong lola ko naman, ginagawang daing ang ibang huli ng lolo ko, kaya tumutulong din ako sa pagbilad ng mga isda sa araw. Kapag natuyo, nilalako naman ng lola ko sa kanyang mga suki. Minsan sumasama ako para mabigyan ng pera kahit papano. Bibigyan ako ng limampiso noong hayskul ako ay masaya na.
Kahit noong college ako sa probinsya namin, wala pa ring pinagbago sa simpleng pamumuhay namin. Mahirap pero masaya.
Hanggang sa natagpuan ko na lamang ang sarili kong tanaw ang kalunus-lunos na mukha ng kapaligaran habang papadaong ang barkong sinasakyan ko. Mga kabahayan malapit sa pier na parang pinagtagpi-tagping kung anu-ano lang. Mga batang nakahubad at naliligo sa pier. Mga basurang lumulutang. Maraming tao. Maingay. At kung anu-ano pang mga bagay na hindi sanay makita ng aking mga mata...
Ito na pala ang tinatawag nilang Maynila. Sa pagtapak ko sa dinadayong Maynila, ang lahat sa buhay ko ay biglang nagbago.
Ang pagtampisaw sa dalampasigan...ang pamamasyal sa buhanginan...ang panonood ng paglubog ng araw...ang sariwang hanging dagat...ang karagatan...ang kabibe...ang mga isda...at ang mga agokoy. . .ay parang bahagi ng panaginip na lamang .At si Lolo. Si Lola. Si Mama. Si Tatay.Mga kapatid at pinsan ko.....ay mga tau-tauhan sa panaginip na 'yon.
Hindi ko alam kung kelan muling mangyayari. O mangyayari pa ba kaya? Mga bahagi ng nakaraan na kaysarap balikan.Oo, kaysarap balikan ang nakaraan....
Pero heto na ako't ginagapos na ni Maynila......Sana makawala. Sana.
No comments:
Post a Comment