Friday, July 29, 2011

Ang Azkals at Ako

Nagising ako. Tingin sa oras. Nagmamadaling tinungo ang banyo. Magiging anim na ang late ko sa buwan ng Hulyo kapag babagal-bagal pa ako. Wala pa namang nati-terminate dahil late sa team namin. Ayokong ako ang una, umpisa at simula. Tumunog naman ang alarm clock sa tamang oras. Pinatay ko lang. Tapos balik tulog ulit. Masarap kayang matulog nitong tag-ulan.


Sira ang koneksyon ng tubig namin. Kaya pala walang tumatagas na tubig sa gripo nang binuksan ko. Kung kelan nagmamadali, saka naman nangyayari ang ganitong mga eksena. Naalala ko pala, naikwento sa akin, nasira pala ng makulit na batang naglalaro sa labas ng apartment ang tubo ng gripo kahapon. Kung anong mahika ang ginawa ng bubuwit na ‘yon at nagawang sirain ang tubo, ay hindi ko na inaalam pa. Sa kasamaang palad, koneksyon lang namin ang apektado. At ang pamilya ng batang ‘yon ay hindi man lang nagkusa na tawagin ang tagapangasiwa ng tubig para ipaalam ang kaganapan. Wala silang pakiaalam dahil hindi naman sila apektado. Mabuti naman at dumating na rin ang tubero na mag-aayos na ipinatawag pa ng kasamahan ko sa apartment.Ilang saglit lang ay ayos na ang lahat.


Naka-bihis na ako. Handa namang suungin ang isa na namang malagim na gabi sa opisina. Gabi. Oo alas singko ng hapon ang pasok ko. Weird na sched. Halos isumpa ko ang iskedyul na ito. Pero nagawa ko namang magtiis sa loob ng dalawang taon. Pero di bale, huling labingdalawang gabing pagpupuyat na lang ang mararanasan ko. At sa August 16, magbabago na ang takbo ng buhay ko. Mamumuhay ako ng normal nang naaayon sa nararapat. Makakapanood na ako ng mga teleserye sa gabi. Makakapunta na ako sa mga malls kapag uwian. At marami pang pagbabago na excited na akong mangyari.


Dahil sa hirap ng buhay,nangako ako sa sarili kong magtitipid muna. Subalit sa pagkakataong ito na ilang minuto na lang ang nalalabi at siguradong late na ako, kinalimutan ko muna ang pangakong ‘yon. Bukas ko na lang muling ipapatupad. Pumara ako ng Taxi na maghahatid sa akin sa trabaho.


DZMM ang istasyon na pinakikinggan ni manong Taxi Driver. Si Karen Davila ang nagsasalita. Saka ko lang nalaman, may laro pala ngayon ng football ang pambato nating mga Pinoy sa larangan ng football, ang Azkals laban sa Kuwait Al-Azraq. Sa totoo lang,ngayong taon ko lang narinig ang tungkol sa football team ng Pinas, at ang Azkals nga. Marami silang fans. Pati si Manong driver ay halatang fan din.


Ayon sa balita, na maigi ko namang pinakikinggan, dahil aaminin kong gaya ng marami d’yan, fan din ako ng Azkals,patuloy daw sa pagdagsa ang mga tao sa Rizal Memorial stadium at may iba’t ibang grupo ng kabataan na may kanya-kanyang gimik para ipakita ang kanilang suporta sa Philippine Football Team Azkals. May iba daw na nakasuot ng puting t-shirt at face paint. Sobra din daw ang trapik sa mga kalsadang malapit sa stadium.


Habang binabagtas ng taxi ang daang bawat kanto ay may stoplight, naisip ko na kahit one time lang ay masilayan ko man lang ang Azkals. Makapagpa-piktyur man lang. Pero muk’ang malabong mangyari ‘to sa hectic ng schedule ko (parang showbiz lang).


At nakarating ako sa opis. Hindi ako late.


Break Time. Tumakas-takas. Pasulyap-sulyap sa TV sa pantry. Halos lahat ata ng tv sa building na ‘yon ay ang laban ng Azkals ang pinapanood. Green vs. White.


Hindi ko napanood ng buo ang laro. Kelangang bumalik sa trabaho. Hanggang sa huli, nalaman kong talo ang manok natin.


Ayos lang ‘yon. Sportsmanship.











No comments: