Kamay ko! |
Hunyo 29, 2011. Wala akong magawa kundi ang tiisin muna ang pananakit ng ibabang bahagi ng tiyan habang nakaupo sa wheelchair na ‘yon ng ospital.Pangalan.Tirahan.Edad.Trabaho.Kompanyang pinapasukan.Ito ay ilan lamang sa mga impormasyon na nais malaman ng nasa Admission Department bago ako dinala sa Emergency Department.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nakasakay ako ng wheelchair habang tulak-tulak ng naka-unipormeng nurse. Nag-antay muna ako ng napakatagal na minuto bago inasikaso ng nurse. Naiintindihan ko rin naman na may marami pang ibang pasyente na mas mauna sa akin at mas malala pa ang karamdaman. Wala naman akong choice, so ayos na lang na mag-antay habang namimilipit sa sakit. Naalala ko tuloy ang teleseryeng sinubaybayan ko dati na binibidahan nina Gretchen Barreto at Bea Alonzo,ang MAGKARIBAL. Ang linyang ito ang tumatak sa aking isipan: "Ipikit mo lang para hindi mo maramdaman ang sakit" . Ipinikit ko na lamang ang ang aking mga mata habang naghihintay.
Tinawag ang pangalan ko ng doktor.Nakahinga ako ng maluwag kahit papano dahil simula na ata ng pag-aasikaso nila sa akin. Hirap man maglakad ay tinungo ko ang klinik ng doktor.Question and Answer portion lang ang nangyari. Inilahad ko sa doktor ang mga pangyayari sa buhay-buhay bago ko isinugod ang sarili sa ospital. Oo, sinugod ko ang sarili sa ospital ng buong tapang alas-kwatro ng madaling araw. May check-up portion din sa aking katawan.
“Parang kelangang operahan ‘yan,” wika ng doktor na ikinagulat, ikinagimbal, ikinatakot at ikinakaba ko. Ni minsan ay hindi ko pinangarap ang eksenang ito.
“Dok,pwede po ba akong mamatay sa operasyon,?” tanong ko.
“Mas gugustuhin ko pang mamatay kesa dala-dala mong nabubulok’yan sa loob ng katawan”. Ang kaninang gimbal, takot, gulat at kaba ay mas lalong nadagdagan sa tinuran ng doktor. Kung anu-ano na ang pumasok sa aking isipan. Iniisip ko na sana panaginip lang ang lahat.
Kelangan muna daw akong i-confine para sa mga tests na gagawin. Nagdarasal pa rin ako na sana, na sana lang ay hindi aabot sa operasyon ang lahat.
Sa loob ng emergency room, pinahiga sa kama, gumawa ang nurse ng daanan ng gamot sa kanang kamay ko. Masakit ang TUSOK ng KARAYOM. Kumikirot. Ilang saglit lang ay naka-dextrose na ako. Binigyan ako ng pain reliever through injection at kung anek anek pang gamot na sinabi naman ng nurse ang pangalan subalit di na ako nag-effort na tandaan pa.
Pitong oras din ako sa emergency room. Marami ang tumingin at nagtanong sa akin.Paulit-ulit. Iba’t ibang doktor . Minsan umeeksena pa ng tanong ang nurse. Parang sirang plaka ang mga tanong. Para akong star witness sa isang criminal case ang takbo ng eksena. May nagpakilala pang surgeon na marahil siyang oopera sa akin kung minalas-malas.
Naranasan ko rin ang nakahiga sa kama habang tinulak-tulak ng nurse ang kama habang maraming tao sa dinaraanan namin .Tinakasan atah ako ng lahat ng hiya sa katawan sa mga oras na ‘yon. Siguro dahil buhay ko ang nakasalalay sa mga panahong iyon. Dadalhin daw ako sa Ultrasound section. Isinakay ako sa elevator. Kasya pala sa isang elevator ang kama.
Akala ko masakit masyado ang ginagawa sa Ultrasound, hindi naman pala. Yon lang, kapag dinadaanan ng isang object na pang ultrasound na nilalagyan ng KY Jelly yong infected areas ay masakit talaga. Panay naman ang sabi ng sorry ng doktor na gumawa ng test sa tuwing napapa-aray ako.Haha.
Bandang alas dose na ako dinala sa room ko. Room 623. Gutom na gutom na ako. Subalit bawal muna daw ako kumain at uminom ng kung anu-ano. Okay fine tiniis ko na lang ang gutom at uhaw.NOFOMOTEM atah yong narinig kong sabi ng nurse kung hindi ako nagkakamali, meaning No Food for Mouth Temporarily. Subalit ilang oras din ang matuling lumipas ay pinakain na rin ako.
TV Marathon lang ang ginawa ko sa loob ng room. Nakikipagtext gamit ang kaliwang-kamay. Masakit ang kanang kamay ko dahil may nakakabit pang dextrose. Minsan dumalaw-dalaw ang nurse, chine-check ang temperature, blood pressure, nagtatanong kung ilang beses umihi at dumumi. May drama pa ang mga nurses na kapag nagbibigay ng medication sa pasyente ay nakasuot ng Yellow na damit at may nakasulat na DON’T DISTURB.ON MEDICATION. Tinanong ko naman ang nurse bakit ganoon suot nila, para daw iwas pagkakamali sa pagbibigay ng gamot.Si Karla, Anna, Mitch, Mia, Aaron, Vincent, Shiela, at Lovely ang naging nurses ko sa loob ng tatlong araw na pamamalagi sa ospital na ‘yon.Dami nila, papalit-palit.
Dalawang espesyalistang doktor naman ang pabalik-balik at nangangamusta sa kalagayan ko. ‘Yong doktor sa emergency ay di ko na nakita pa. Hulyo 1 ay okay na ako kaya sabi ng doktor ay pwede na akong pauwiin.
“Dok,hindi po ba ako ooperahan? Sabi kasi nu’ng doktor sa emergency, eh” . Ako ay nagtanong.
“Walanghiya ka” At napamura ang doktor sa tanong ko. ”Hindi. Gusto mo ooperahan ka.? Infection lang ‘yan at kaya lang ng anti-biotic yan”
At ‘yon nakahinga ako ng maluwag.Maluwag na maluwag. Hindi pa pala ako mamamatay. Hindi pa. Marahil ay dahil isa akong masamang damo. Hindi pa ako kukunin ni Lord kasi siguro hindi pa tapos ang misyon ko sa mundo. Kakapasa ko pa lang ng CPA Board exam at hindi ko pa na-eenjoy ito. Hindi ko pa nga nakukuha lisensya ko. Hehe.
At dahil pwede na akong umuwi, inasikaso ko na ang hospital bill ko. Wala naman akong kasama sa ospital kaya ako na ang nagproseso ng lahat. At kaya ko pala.
Nanlaki naman ang mata ko sa babayarin.21k. Eh, tatlong araw lang naman ako don. Pero ayos lang at sagot naman ‘yon lahat ng Intellicare at Philhealth.
AT nakauwi na rin ako!
Nga pala,kung ano ang tunay kong sakit, sekreto na lang. Ako at ang doktor lang ang tangeng nakakaalam. At magaling na rin naman ako. Nga pala ulet, itago na lang natin ang ospital sa pangalang Makati Medical.
Mensahe sa lahat: Alagaan ang sarili para hindi magkasakit.
No comments:
Post a Comment