Saturday, July 30, 2011

Wala si Dok!

Sabi ni Dok, babalik daw ako pagkatapos ng dalawang linggo. Subalit sa tindi ng makapangyarihang pwersa ng katamaran na bumalot sa aking katauhan noong nakaraang mga araw ay hindi ko sinipot si Dok. Ngayon ko lang naisipang magparamdam kay Dok, isang buwan na ang matuling lumipas simula nang makalabas ako ng ospital.

Biyernes.Binabagtas ng sinasakyang taxi ang kahabaan ng Ayala Avenue. Mabuti na lang at bahagyang tumigil si Juaning sa paghahasik ng lagim sa kapaligiran at malaya akong nakalabas ng bahay. Ilang araw na rin kasi akong apektado sa hagupit ni Juaning sa pagpasok sa opisina at maging sa pag-uwi.



Bago ang lahat,nais ko munang bitawan ang banat na 'to kay Juaning.
Ako: Juaning, ulan ka ba?
Juaning: Bakit?
Ako: Panira ka kasi ng araw ko!

Korni? Haha.

Inaasahan ko na ang makakasalamuhang trapiko sa kalsada. Ano pa ba ang bago sa mga eksenang ganito sa Pilipinas? Bakit hindi pa naiimbento ang lumilipad na taxi? 'Yong parang jet ang bilis ng takbo sa himpapawid, hindi na sana nakadepende sa nasa unahang sasakyan sa kalsada at stoplights ang pag-usad. Iniisip ko rin na kung ang lahat ng taxi ay may kakayahang lumipad gaya ng eroplano o helicopter, may posibilidad na magkakabanggaan sila sa himpapawid kung walang kalsada at kanya-kanyang takbo na lang sa kung saan-saang direksyon . Kailangan ding masolusyunan ang problemang ito sa himpapawid.Simulan na ang paggawa ng mga daan o ruta. Dahil limitado lang ang mga sasakyang nakakalipad, hindi na problema ang trapiko.

Naputol ang aking imahinasyon nang binuksan ng driver ang radyo. Nabaling ang aking atensyon sa balitang pampulitika. Iniimbistigahan na daw ang nangyaring dayaan noong 2004 presidential elections. Sangkot daw si dating 1st gentleman Mike Arroyo sa pagpapalit ng pekeng election returns upang tiyakin na mananalo si Arroyo sakaling magkakaroon ng muling bilangan sa 2004 presidential polls. Nakakainis talaga ang mga eksena sa mundo ng pulitika at ang mga nilalang na hayok sa kapangyarihan. Bakit hindi na lang pag-ibig ang isipin ng bawat isa sa mundo? Sana’y wala ng gulo.Sana’y wala ng away. At sana bigla na lang maglaho na parang bola ang masasamang tao sa buong daigdig. At maiiwan na lang ang mababait at may busilak na kalooban para mamuhay ng payapa at marangal. Kung ganito ang mangyayari, maglalaho din kaya ako?


Ano ba ‘yan? Kung anu-anong ka-weird-duhan tuloy ang pumapasok sa aking isipan. Siguro epekto lang ng gutom dahil hindi pa ako kumakain. Balik sa kasalukuyang eksena, dalawang tumbling na lang at mararating ko na ang destinasyon.


Nagbayad sa driver. Binuksan ang pinto ng taxi. Bumaba. Naglakad ng konti. Nagtanong sa Information center.Naglakad ulit. Sumakay sa elevator. Nasa 3rd floor. Hinahanap ang opisina ni Dok. Naligaw ng ilang minuto.Hinahanap pa rin.At sa wakas nahanap din. Nagtanong sa secretary.


At wala pala si Dok.

4 comments:

Anonymous said...

haha! gusto ang ending. haha... :) like ko rin ang second paragraph - maiwan na lang ang mababait at mga may busilak na puso, as in...

ang kulit lang. ang mahal pa naman ng taxi ngayon. forty na ang flag down. naman kasi.... :)

NoOtherEarl said...

salamat sa pagdalaw...kaway sa'yo mahilig magmasid na may-akda ng Doon po sa amin...hahaha

Oo nga, ang mahal na ngayon,mas malaki ang babayaran lalo na't pakembot-kembot ang taxi dahil sa trapik

Anonymous said...

oo, lalo pa ngayong maulan, ahaha... :)

Anonymous said...

Thanks , I have recently been searching for information approximately this topic for ages
and yours is the best I've discovered so far. However, what about the bottom line? Are you positive concerning the source?

Have a look at my blog ... waist height ratio